Ni: Evelyn T. Taguilaso, Teacher 3
SDO Laguna, Luisiana Sub-office
San Buenaventura Elementary School
Bilang isang guro kailangan kong siguraduhin na handa ako para sa mga ituturo ko pagpasok sa paaralan. Mahirap magturo ng walang lesson plan, teaching materials tulad ng powerpoint, activity sheets at iba pang instructional materials. Dapat handa din ako sa mga biglaang pagbisita ng punongguro at iba pang mag-oobserve ng aking klase. Pero higit sa lahat, dapat akong maghanda para sa aking mga mag-aaral na naghihintay sa akin upang sila ay matuto.
Ang isang guro sa pampublikong paaralan ay inatasang magturo sa loob ng anim na oras, alinsunod ito DepEd Memorandum 291, 2008 at CSC Resolution No. 090086. At mayroon lamang na dalawang oras para sa iba pang gawain kaugnay ng pagtuturo. Nakapaloob sa dalawang oras ang paghahanda ng mga lesson, teaching materials at pag-gawa ng mga reports kung meron.
Kung tutuusin kulang na kulang ang dalawang oras sa paghahanda ng ituturo, lalo na kung may 8 kang subject. Paghahatiin ang dalawang oras sa walo papatak na labing limang minute lang ang ilalaan para sa isang subject, na tila hindi sasapat para gumawa ng isang powerpoint presentation, activity sheets, magprint o gumawa ng mga visual aids.
Dito nagiging maabilidad ang mga guro at pinagkakasya ang kakatiting na oras para kahit papaano ay may maibabaging kaalaman sa kanyang mga mag-aaral kinabukasan.
May mga guro na kumukuha ng oras tuwing umaga bago mag-flag ceremony, tuwing recess o kahit tuwing oras ng lunch break. Isa lang ito sa mga sakripisyo ng bayaning mga guro sa kanilang propesyon. Minsan pagdating sa bahay nakukuha pa nila ang oras para sa pamilya para matapos ang gawaing pampaaralan.
May mga guro ding nilalaan ang araw ng Sabado na dapat ay oras ng pahinga upang magkaroon ng mas mahabang oras para sa paghahanda ng instructional materials.
Sa mga sakripisyong ito ng mga guro, sana naman maunawaan ng lahat kung gaano kalaki ang ginagawa nila upang mabigyan ng sapat na edukasyon ang ating mga kabataan. Hindi biro ang pagiging guro, kailangan mo ng pasensya, tiyaga at abilidad para matugunan ang pangangailangan ng paaralan para sa pagtatagumpay ng ating bansa.