ALAMINOS, Laguna – Sa mga nakakadalaw sa tanggapan ng Alaminos (Laguna) Water District (ALWD) dito, kanila kaagad mapapansin ang mga promotional materials na kanilang ipinamamahagi sa mga subscriber upang sila ay hikayating magtipid sa paggamit ng tubig sa ilalim ng kaisipang ang lahat ay dapat magmalasakit na mapangalagaan ang panustos na tubig, sapagka’t “Malinis na Tubig, ay Kailangan Natin, kaya Alagaan Natin.”
Sang-ayon kay Director Emerson C. Maligalig, ang ilan sa kanilang mga payo para ang mga bumubuo ng isang sambahayan ay makatipid sa tubig ay (1) mag-imbak ng tubig sa mga malilinis na sisidlan, tulad sa mga botelya ng soft drink para ito ang gamitin sa kusina kung nagluluto, lamang tiyaking ang gagamitin nilang sisidlan ay hindi napaglalagyan ng nakalalasong kemikal; (2) gumamit ng timba at tabo sa paliligo, at huwag hayaang bukas o tumutulo ang gripo samantalang nagsasabon at naghihilod ng katawan; (3) gumamit ng baso sa pagsisipilyo; at (4) magdilig ng mga halaman bago sumikat ang araw, o pagpapalubog na ang araw, ito ay upang makaiwas sa malakas ng singaw o evaporation na ang napapabuhos
na tubig ay hindi napapakinabangan ng halaman.
Makabubuti ring palitan ang lumang toilet bowl ng bagong desinyo ng bowl o enuduro, sapagkat ang mga bagong bowl ay lumulubog na ang dumi sa ibubuhos na isa at kalahating litrong tubig.
Kinikilalang bahagi rin ng pangangalaga sa communal water supply system ang pagtatanim ng punong kahoy, ano man ang uri nito, sapagkat ito ang nakatutulong na maging malinis at matatag ang kapaligiran, ayon kay Director Maligalig, na sa paglakad ng panahon ay makatutulong upang maging malakas ang daloy ng tubig sa mga bukal, at maging sa mga underground water na pinagkukunan ng tubig sa tulong ng mga bumba o poso artesyano.