ni Ruben E. Taningco
SAN PABLO CITY, Laguna–Bilang kasalukuyang City Public Employment Services Office (PESO) Manager, pinahahalagahan ni G. Pedrito D. Bigueras ang mga payong-paalaala ni Gng. Gem R. Castillo-Amante, Unang Ginang ng Lungsod, sa mga naghahanap ng gawain o trabaho sa pamamag-itan ng pagdalo sa job fair na sa pana-panahon ay itinataguyod ng City Government of San Pablo o ng iba’t ibang civic organization na maayos na ihanda ang sarili bago magtungo sa “job fair site,” halimbawa ay sa Paseo de San Pablo sa Barangay San Jose, o sa SM City San Pablo sa Barangay San Rafael.
Una, ayon sa Unang Ginang ay dapat alamin kung ano ang ginagawa sa pabrika o tanggapang na nag-aalok ng gawain, at magkaroon ng kabatiran sa mga gawain upang maiugnay ang mga pansariling kaalamam at kasanayan sa nabanggit na gawain.
Ikalawa, ihanda ang sarili sa “interview” at hindi masama ang magpraktis sa tulong ng isang kaibigang may mga karanasan na sa pagdalo sa mga job fair, upang magkaroon ng ideya kung ano-ano ang mga karaniwang tanong ng mga nag-aalok ng gawain. Magpraktis upang magkaroon ng tiwala sa sarili at maging kalma sa panahon ng interview.
Ikatlo, maging maayos ang pananamit sa pagtungo sa job fair upang maging maayos ang personalidad sa pagharap sa mga kinatawan ng nag-aalok ng gawain. Na kung mayroon, ay magdala ng nakahanda ng resume, barangay clearance, police clearance, at iba pang dokumento na karaniwang hinihingi sa mga nag-a-apply sa isang trabaho, sapagkat kalakaran na iyong may mga dala ng “document” ang naha-hired-on-the-spot o HOTS.
Ipinaaalaala rin ni Unang Ginang Gem R. Castillo-Amante ayon kay PESO Manager Pedrito D. Bigueras na bago umalis ng tahanan upang magtungo sa job fair site, ay Manalangin Sa Diyos na hilinging siya ay matanggap sa gawain na kanyang aaplayan, na ang establisemyentong kanyang mapapasukukan ay umiiral ang kapayapaan sa paggawa, at may maayos na pasunuran.