Busy ka ba? Pagod sa trabaho at gawaing bahay kaya walang time upang gabayan ang anak sa pagbabasa o pag-aaral? Hep! Teka muna sana po’y maglaan ng kaunting oras upang basahin ito. Nais lang namin kayong tulungan para sa ikabubuti ng inyong anak. Di ba’t ang kanilang tagumpay ay siya ninyong hangad? Na siya rin naming hangad bilang kanyang mga ikalawang magulang.
Dahil mahal natin sila, hindi ba’t gusto nyo ring makipag-bonding sa inyong mga anak? Ang pagtuturo at pakikinig sa ating mga anak ay isang paraan upang mapalapit sila sa atin. Ang paggabay sa kanila sa pagbabasa sa loob ng kahit mga 30 minuto, mga tatlong beses sa isang linggo ay isa nang malaking tulong.
Ilang mga paalala:
1. Kausapin ng mabuti ang inyong anak upang malaman ang kanilang saloobin. Baka may problema sila o di kaya’y hindi magandang karanasan. Baka may bumabagabag tungkol sa kanilang pag-aaral o ano pa mang aspeto ng buhay. Bigyan ito ng pansin sapagkat ito ang magiging magandang simula para sa kanilang pagkakatuto.
2. Hayaan silang mamili ng mga babasahin na ibig nila. Hilig ba nilang maglaro ng basketball? Kung ganoon, bigyan sila ng mga babasahin tungkol dito. Mahilig ba sila sa K-Pop? Maraming babasahin, English man o Filipino tungkol sa kanilang mga idolo. Pagdating sa pagbabasa, ibigay ang kanilang nais. Magiging daan ito upang maging masaya ang kanilang pagbabasa. Hindi ba’t kay sarap makadiskubre ng mga bagong kaalamam tungkol sa inyong mga interes? Sa ganitong paraan ang pagbabasa ay hindi magiging isang mabigat na tungkulin kundi isang kapana-panabik na pampalipas ng oras.
3. Kung walang libro, magazine, song book or comics ay marami ring babasahin sa Internet. Siguraduhin lamang na ito ay akma sa kanilang edad. Hindi ba’t mas masayang magbasa kapag may mga larawan at makulay ang kanilang nakikita, hindi lamang mga letra?!
4. Sa pagbibigay sa kanila ng babasahin ay alamin kung akma rin ito sa kanilang kakayahan. Baka sobrang hirap nitong intindihin para sa kanila? O di kaya naman ay sobrang dali para sa kanila ng kanilang babasahin. Maaring makaramdam sila ng kawalang gana at higit sa lahat ay hindi mahahasa ang kanilang kakayanan sa pag-unawa. Ang pinakamainam na babasahin para sa inyong anak ay ang hindi gaanong kadali o hindi gaanong kahirap. Kaya napakahalaga na alam nyo bilang magulang ang kakayahan ng inyong anak. Hindi ba’t bilang mga magulang ay tayo dapat ang unang nakakaalam ng kanilang kakayahan?
5. Sa ating bansa, hindi lamang Filipino ang wikang ginagamit. Kadalasan pa nga ay nasa wikang Ingles. Nagpapatunay lamang ito na mahalaga rin na matutunan ng ating mga anak ang pag unawa sa nasabing wikang banyaga. Papaano ba huhusay ang mga bata sa English? Una sa lahat ay kailangang masanay sila sa pakikinig at pagbabasa ng mga lathalain sa wikang Ingles. Papanoorin sila ng mabubuting English movies o TV programs at syempre pa ang pagbabasa ng English books, magazines, or comics!
6. Kung kayo po ay walang kakayahang magturo sa anumang kadahilanan ay wag mag-alala. Nariyan sina kuya, ate, tito o tita.
7. Kung sakaling ang inyong anak ay nagkamali o di kaya ay nakitaan ninyo na nahihirapan syang kayanin ang mga reading tasks ay mahalaga na ipadama natin sa kanila ang ating pasensya at pagmamahal, sapagkat ang pagtaas ng inyong boses habang sila ay tinuturuan ay magdudulot ng kanilang kawalang interes. Hindi ba’t kay sarap matuto kung randam natin ang pagmamahal ng nangtuturo sa atin, lalo na kung sila ay mismong ang ating mapagmahal na magulang?
8. Kung sakaling may problema sa pagbabasa ang inyong anak ay ipagbigay alam agad sa kanyang guro upang kayo ay matulungan. Ang regular na pakikipagugnayan sa kanila ay makakatulong sa kanilang pag unlad sa pag aaral.
Tara’t subukan na! Tandaan: Malaking bahagi ng kanilang tagumpay ang ating paggabay!