Ni: Rhodora C. Navea
T3, Santa Cruz ES
May mga magulang na tanggap kung ano ang mga katangian ng kanilang mga anak. Kung ito ba ay matalino, kung ito ba masipag, mahilig sa isports o mga bagay na hilig nito. Pero may mga katangian ang anak na minsan ay ayaw tanggapin ng isang magulang.
Sa tagal ko ng nagtuturo sa aming paaralan, noon lamang ako nakatagpo ng isang ina na tila sarado ang mga mata sa kung ano ang ugali at kinikilos ng kanyang anak sa loob ng paaralan.
Taliwas sa sinasabi ng ina na tahimik, napagsasabihan at hindi pinagmumulan ng gulo ang kanyang anak, sa loob ng paaralan ay kabaliktaran ang nangyayari. May mga sumbong na nananakit ang bata sa kapwa niya kamag-aral, hindi pakikinig sa guro lalo na sa oras ng klase, at palaging nasasanggot sa gulo hindi lang sa sariling silid pati sa iba.
Mahirap marahil tanggapin para sa isang magulang, kung ano ang ugali ng kanyang anak, dahil ito ang magpapakita kung anong pagpapalaki nila sa bata.
Agad siguro silang naniniwala sa kung anong sumbong ng kanilang anak kahit na hindi pa nila inaalaam kung totoo ang mga ito o hindi. Dahil sa tingin nila ang anak nila ang laging tama.
Hindi din masamang alamin muna ang katotohanan matapos pakinggan ang sumbong ng anak. Minsan kasi gumagawa ng kwento at nagsisinungaling ang mga bata upang baliktarin ang pangyayari para pumabor sa kanila.
Nararapat dapat siguro na tignan ang magkabilang bahagi upang maiwasan ang mga di magagandang bagay dulot ng isang sitwasyon.
At higit sa lahat kailangan nating tanggapin kung ang bata ay Nakagawa ng kasalanan, kung siya ba ang bully o kung siya ba ay nagiging pasaway sa klase. Dahil noon magsisimula kung anong kailangang gawin ng guro katulong ang mga magulang upang maiayos at igabay ang bata tungkol sa tamang pagkilos at paguugali.