Ni: Leana C. Javier, Teacher 2
Yukos Elementary School-Annex
SDO Laguna
Hindi mawawala ang chalk sa buhay pagtuturo ng mga guro. Ito marahil ang kanilang sandata sa paghubog ng kaalaman at karunungan sa bawat mag-aaral na dumating sa kanilang silid-aralan.
Pero hindi lang ginagamit ang chalk sa pagsulat ng aralin sa pisara. May natatangi din itong ibang kapangyarihan na di batid ng iba.
Mainam ang chalk sa pagpapatahimik ng klase, sa simpleng “Pedro kumuha ka ng chalk at maglista ka ng maingay sa blackboard”, agad na tatahimik ang klase. Na para bang sa isang kumpas lamang ng maliit na putting yeso ay makakapagpatahimik na sa isang iglap.
At noong panahon ng ating mga lolo at lola, ginamit ang chalk sa pagkuha ng atensyon ng mag-aaral. Gamit ang maliit na chalk papaliparin ito ng guro upang ituro kung nasaan ang mga batang hindi nakikinig o magugulo sa klase.
Sa pagusbong ng panahon nawala man ang tingkad ng chalk sa pagtuturo sa mga bata dahil sa pag-usbong ng kagamitan tulad ng whiteboard marker, powerpoint slides at smartboard, pero hindi pa din mawawala ang mga yeso na naging sandigan at patuloy na tutupad sa kanilang tungkulin na magbigay ng kalidad na edukasyon sa ating mga mag-aaral.