Nina Kevin Pamatmat
at Shekinah Joy Pamatmat
LILIW, Laguna–Ang “Lukayuan” na kinaugaliang tradisyon ng Gitnang Sungi sa bayang ito ay pinaniniwalaang nakapagtataboy ng malas at nagdadala ng ulan.
Sa panayam kay Municipal Councilor Jeffrie P. Trillana, ayon sa kanilang mga matatanda, ang Lukayuan ay ang paghahanap ng Krus ni Santa Elena na ina ni Constantino. Isinasagawa ito tuwing buwan ng Mayo na sinisimulan sa pagdadasal sa bawat istasyon o mga bahay.
Dagdag pa niya, magmula ng maging SK Chairman siya ay pinahahalagahan na niya ang kultura ng bayan ng Liliw at ang tradisyon na Lukayuan na sinimulan pa noon taong 2013.
Pawang nakasuot ng mga tuyong dahon ng saging, niyog at iba pang halaman ang mga kalahok dito. Ito aniya any isang “disguise” kung saan kaya sila nagsusuot ng mga tuyong dahon ay upang hindi sila makilala ng mga nakapaligid sa kanila.
Sa mensahe naman ni Vice-Mayor Eric Sulibit na punong abala sa nabangit na programa, nagpapasalamat siya sa pagkakataong ito dahil muling naipagdiwang nila ang ika-19 na taon ng Tsinelas Festival.
Makalipas aniya ang tatlong taon ng pandemya ay muling maipakikita ang produkto at kagandahan ng bayan ng Liliw sa mga lokal at dayuhang turista.
Kanya ring pinasalamatan ang buong miyembro ng Sanggunian Bayan dahil sa muling naisagawa ang Lukayuan at umaasag na higit pa nila pagagandahin at pasisiglahin pa ito sa susunod na mga taon.