Ulat ng TWH News Team
SAN PABLO CITY, Laguna–Sa unang araw pa lang ng kanyang panunungkulan ay tinipon agad ni Mayor Najie Gapangada ang mga hepe ng bawat departamento upang ilatag ang mga plano para sa kaayusan at kaunlaran ng lungsod na ito.
Binigyang-diin niya na ang lahat ng mga proyektong ilulunsad ay dapat nakasentro sa T.E.K. o Trabaho, Edukasyon at Kalusugan.
Isa sa prayoridad ni Mayor Najie ay ang modernisasyon ng ospital. Ayon kina Dr. Taggie Felismino at Dr. Rene Bagamasbad ng City Health Office, iaayos na ang bagong CT scan machine sa lalong madaling panahon.
Dagdag pa rito ay pinaplano na rin ang mas epektibong pag-iimbak ng mga gamot at ang pagtatayo ng sariling blood bank para sa lungsod na isang malaking hakbang para sa mas maayos na serbisyong medikal para sa mga San Pableño.
Agad na ring kumilos ang City Traffic Managent Office (CTMO) sa pamumuno ni Dr. Marino Garcia upang ayusin ang daloy ng trapiko sa lungsod.
Kabilang pa sa mga natalakay ay ang kaayusan ng pamilihang bayan, mga programa sa turismo, kalinisan at iba’t ibang proyekto para sa unang 100 araw ng bagong administrasyon.
Nagkaroon na rin ng pagpupulong ang Solid Waste Management at Water Sources Department para sa pagtutulungan at paghahanap ng solusyon sa isyu ng landfill upang maprotektahan ang mga spring water sources na ginagamit ng mga mamamayan sa Baloc.
Idinagdag pa niya na nakapaglatag na ng plano ang General Services Office (GSO) para sa mas malinaw at bukas na sistema ng pagbili ng mga gamit ng pamahalaan.
Isinasaayos na rin paunti-unti ang sistema ng komunikasyon sa bawat departamento at nakagawa na ng inspeksyon ang bagong market superintendent bilang bahagi ng pagsasaayos ng pamilihang bayan.
Sa mga susunod na araw ay ilalahad na rin ng bagong administrasyon sa taumbayan ang iba’t ibang programa at proyekto na nakatuon sa pankalahatang kaunlaran ng Lungsod ng San Pablo.
Kaugnay nito ay nanawagan si Mayor Gapangada sa lahat ng taga-San Pablo na makiisa, magpakita ng pang-unawa, at suportahan ang mga hakbangin dahil ito aniya ay para sa mas maayos at progresibong lungsod para sa lahat ng mamamayan.