Ni: Nicolai M. Miranda
Makasaysayan na nagising muli ang natutulog na diwata at isang strukturang humubog at naging saksi sa patuloy na paglago ng kasaysayan ng Lungsod ng San Pablo — ito’y ang Fule-Malvar Mansion. Isang bagay na tanda nang mayamang nakaraan ang nasabing Pamanang Kultura.
Dalawang bagay ang nangyari noong Nobyembre 18, 2022: ang pasinayaan ang 3rd District Congressional Satellite Office ni Laguna 3rd District Representative Loreto “Amben” S. Amante at buksan ang pamaskong pailaw ng mansyon.
Salamat sa masikap na hangarin ni Cong. Amben at ng kanyang may-bahay — na si Gng. Maria Claudette Janolino-Amante — na muling mabuhay at makita ang marikit na pamanang ito. Ang mag-asawa ay may perspektibong hindi lamang makapagbigay ng kasiglahan sa darating na Pasko; kundi ang maiangat din ang pagkakaroon ng kamalayan ng bawat San Pableño sa mga Mahahalagang Ari-ariang Kultural ng Lungsod.
Pinangunahan ang pagbababas ng bagong tanggapan ni Rev. Msgr. Jerry V. Bitoon, HP., STh. D., kasama ang pamilya ni Cong. Amben Amante at Gng. Maria Claudette Janolino-Amante; mga kawani ng nasabing tanggapan at mga panauhin — na sinundan nang Seromonyal na Pagpapailaw sa Fule-Malvar Mansion.
Tinaguriang “White House” at isa sa pinakamagandang struktura sa buong Pilipinas ang nasabing mansyon na itinayo noong 1915. Taglay ng mansyon ang mga pinaghalong disenyong arkitektural — Beaux-Arts, Art Nouveau, at Moorish Architectural Styles — na dinsenyo ng isang tanyag na Arkitektong Kastila — si Abelardo la Fuente (Eco, 2021).
Ipinatayo bilang maging tahanan ng mag-asawang Don Potenciano C. Malvar at Dona Eusebia Fule-Malvar. Si Potenciano o Don Poten ay nakababatang kapatid ng magiting na heneral ng Himagsikan — si Heneral Miguel C. Malvar. Si Don Poten ay nagtapos ng kursong medisina sa Espanya at nagsilbi bilang Medical Officer nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Siya rin ay naging Gobernador ng Lalawigan ng Laguna (1910-1914) at unang talagang Punong Lungsod ng San Pablo nang ito’y maitatag sa bisa ng Batas Komonwelt 520 noong Mayo 7, 1940.
Ang kaniyang asawa naman na si Doña Eusebia ay mula sa mga nakaririwasang pamilya ng San Pablo. Isang lider sibiko at tumulong upang maibangon ang lungsod sa pinsalang dinulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nang mamatay ang mag-asawa namana ito ng kanilang mga pamangkin at naipagbili noong 1966 sa National Life Insurance Company. Noong 1988 naman, napapunta ang bahay sa Philippine-American Life Insurance Company (Philam Life) at napasailalim sa isang pagsasaayos noong 1990.
Mapalad itong nabigyan ng Panandang Pangkasaysayan ng National Historical Institute (NHI) noong 1990. Kinilala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) bilang Ari-ariang Kultural ang mansyon — sa pamamagitan ng Republic Act no. 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009.
Samantala, ang Fule-Malvar Mansion naman ay kinilala bilang isa sa Mahahalagang Ari-ariang Kultural ng Lungsod sa bisa ng Kautusang Panlungsod bilang 2018-53 at 2018-80.
Nitong taon lamang ay mapalad na nabili ang mansyon ng Pamahalaang Lungsod ng San Pablo at binigyang pahintulot na magamit bilang tanggapan ni Laguna 3rd District Representative Loreto “Amben” S. Amante.
Sang-ayon kay Cong. Amante, ang nasabing pamanang kultural ay mabisang mapangangalagaan upang patuloy na masilayan ng susunod na henerasyon ang mansyon — iingatan at ibabahagi nasaksihang mayamang kasaysayan ng lungsod. (Larawan mula kay Ginoong Dash Barleta