Ni: Ellen G. Castañeda
Magdalena Sub-Office, SDO Laguna
Buenavista-Cigaras Elementary School
Bilang mga nasa larangan ng edukasyon, lagi natin naririnig ang kasabihang “It takes a village to raise a child”. Isang luma ngunit makatotohanang mga kataga dahil ang suporta ng hindi lamang isa, kung hindi lahat ng internal at eksternal na stakeholders, ay patuloy na nagpapatunay na makakamtan ang de-kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng pagtutulungan.
Ang pagkakaloob ng lokal na pamahalaan ng mga closed-circuit televisions (CCTV) sa aming paaralan ay isang patunay nito – na ang malakas at epektibong partnership ay magbubunga ng mga magandang resulta. Napakalaki ng pasasalamat ng lahat ng guro at mag-aaral sa donasyon na ito dahil ang pagkakaroon ng CCTV sa loob ng paaralan ay isang hakbang upang mas mapaigting ang kaligtasan ng bawat isa.
Ayon sa DepEd Order no. 26, series of 2022, ang Kagawaran ng Edukasyon ay naniniwalang ang pagkakaroon ng bahagi ng lahat – guro, mag-aaral, magulang, lokal na pamahalaan at komunidad ay isang malaking bagay upang makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon sa isang ligtas at angkop na learning environment para sa lahat ng mag-aaral.
Ang solid na partnership sa ating mga stakeholders ay magbibigay ng malaking oportunidad hindi lamang sa ating paaralan; kung hindi, para na rin sa ating mga mag-aaral. Ang iba’t ibang aspeto ng kanilang buhay tulad ng akademiko, panlipunan, emosyonal, pisikal na kalusugan, kapaligiran ng paaralan ay mas maaring mapaganda kung magtutulungan ang mga lokal na ahensya at mga community-based na organisasyon. Ang ating mga stakeholder ay talagang may malaking ambag upang mapaunlad ang ating sistema ng edukasyon.
Ating matatandaan na noong panahon ng pandemya – panahon na remote learning ang ating ginagamit — ang mga stakeholders ang nagbigay ng tulong at suporta upang gawing posible na magpatuloy ang edukasyon sa gitna ng krisis. Ang LGU at mga external partners ay nakatulong sa pagpapatupad ng Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP). Kabilang dito ang pag-imprenta at pamamahagi ng mga self-learning modules, pagsasanay ng mga guro at oryentasyon ng mga magulang – maging ito man ay modyular at online — at mga protocol sa kalusugan at kaligtasan.
Ating ipagpatuloy ang nasimulan. Ang pakikipagtulungan ng ating mga stakeholders upang mas mapabuti ang ating kalidad ng edukasyon ay nakakapagdulot ng mga kamangha-manghang resulta — hindi lamang para sa ating mga guro, kundi para sa lahat ng ating mga estudyante. Ang pagbuo ng isang alyansa na parehong sumusuporta sa paghahatid ng de-kalidad na edukasyon ay isang bagay na dapat nating pagsumikapan.
Hindi maikakaila na ang ating mga stakeholders ay isa sa pundasyon ng ating edukasyon. Ating ipagpatuloy ang ganitong gawain upang maibigay ang nararapat sa ating mga mag-aaral na siyang susunod na mga pinuno ng ating bayan. Ang pagmamahal, pag-aalaga, at karunungan ay maaaring lumikha ng mga ideal na kondisyon sa ating paaralan kung saan ang ating mga bata ay may oportunidad na umunlad at lumago upang maging mabuting mamamayan ng ating nasyon sa hinaharap.