SAN PEDRO, Laguna — Isinagawa ng Social Security System (SSS) ang Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign sa patuloy na kampanya nito para maging responsable ang mga employers sa lungsod.
Binisita ng RACE Team ang siyam na establisyemento upang paalalahanan sila sa kanilang obligasyon na irehistro ang kanilang negosyo at bayaran ang SSS kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Hinikayat ni SSS Acting Vice President ng Luzon South 1 Division Edwin S. Igharas ang mga delingkwenteng employers na mag-avail ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management, and Restructuring Program (CPCoDe MRP) ng SSS kung saan matutulungan ang mga single proprietors, corporations, partnerships, cooperatives, o associations na bayaran ang hindi pa nila naireremit na kontribusyon ng kanilang empleyado sa pamamagitan ng one-time payment o installment.
“Mahalaga na i-report sa SSS ang lahat ng kanilang mga empleyado at hulugan ng tama ang kanilang SSS contribution para mabigyan sila ng proteksyon sa oras ng kanilang pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkakatanggal sa trabaho, hanggang sa kanilang pagtanda. Sa katunayan, tumatawid pa ang mga benepisyong ito sa kanilang mga mahal sa buhay. Ano mang paglabag sa mga patakaran ng SSS ay may direktang epekto sa kanilang mga empleyado at maaari silang hindi magqualify sa mga benefits at loan ng SSS. Kaya naman andito kami para tulungan ang employers na bayaran ang kanilang past-due contributions para na rin sa kapakanan ng kanilang mga empleyado. Sa tulong ng programang ito, macocondone ang naipong multa matapos bayaran ang kabuuang halaga ng contribution delinquency,” sabi ni Igharas.
Tinatayang nasa higit isang milyong halaga ng delinquencies ang maaaring makolekta ng SSS San Pedro branch para sa social security protection ng 28 na apektadong empleyado.
Inaasahan ng RACE Team na makikipag-ugnayan ang mga binisitang employers sa loob ng 15 araw para di na mauwi ito sa legal na action. Bukas ang SSS San Pedro branch para tumanggap ng penalty condonation application. Matatagpuan ang kanilang opisina sa 2/F Robinsons Galleria South Km. 31 Brgy. Nueva Nat’l Hi-way San Pedro City, Laguna.
Anim hanggang 12 taong pagkakulong at multang hindi bababa sa P5,000.00 hanggang P20,000.00 ang maaaring kaharapin ng employer kapag napatunayang lumabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.