Sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa mga delinkwenteng employers, nagsagawa ang Social Security System (SSS) ng Run After Contribution Evaders (RACE) Operations sa Infanta, Quezon noong Mayo 16, 2023.
Sa 10 establisimentong binisita ng SSS Infanta Branch, isa dito ay hindi pa nakakapagrehistro ng kanilang negosyo sa SSS at siyam ang hindi nakapagbayad ng kontribusyon ng kanilang empleyado. Tinatayang nasa P1.4 milyon ang naitalang contribution delinquency ng mga nasabing employers na siyang nakakaapekto sa 67 empleyado.
Dahil sa mga nabanggit na paglabag, nakatanggap ang mga employers ng written notice mula sa SSS. Inaasahan silang makikipag-ugnayan sa SSS Infanta sa loob ng 15 araw matapos matanggap ito para ayusin ang kanilang obligasyon.
Kung hindi nila ito masunod, ipapasa ang kanilang account sa Operations Legal Department para sampahan sila ng kaukulang kaso. Kung mapatunayang may paglabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, maaari silang makulong ng anim na taon at isang araw hanggang 12 taon at patawan ng P 5,000 hanggang P 20,000 multa.
“Sa pagkakataong ito, binisita ng RACE Team ang hilagang bahagi ng Quezon kung saan ang lugar ay malayo sa Kapitolyo ng Lalawigan. Kahit nasa sentro man o sa pinakamalayong munisipalidad ang delinkwenteng employers, bibisitahin namin sila para siguruhin na sumusunod sila sa batas. Dapat ay irehistro nila ang kanilang negosyo pati ang kanilang mga empleyado sa SSS at i-remit ang kabuuang kontribusyon ng kanilang mga empleyado para masiguro ang kanilang proteksyon sa oras ng pangangailangan,” sabi ni Acting Head ng Luzon South 1 Division na si Engr. Edwin S. Igharas.
Napakahalaga ang pagreremit ng SSS contribution ng employers dahil dito nakasalalay ang pagiging kwalipikado ng kanilang empleyado sa Social Security (SS) benefits gaya ng sickness, maternity, disability, unemployment retirement, death at funeral. Maliban sa mga nabanggit na SS benefits, maaari rin makatanggap ng Employees Compensation (EC) benefits ang employed members kung work-related ang kanilang pagkakasakit, pinsala o pagkamatay. Maaari din silang makapag-apply ng loan kung sakaling meron silang kasalukuyang bayad na kontribusyon sa SSS.
Para makamit ng mga apektadong empleyado ang naturang mga benepisyo, pinayuhan ni Igharas ang mga binisitang employers na mag-apply sa Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDe MRP). Dito ay mas mabibigyan sila ng mas magaan na paraan ng pagbabayad. Maaari nila itong bayaran nang buo o installment hanggang 48 buwan, depende sa kabuuang halaga ng kanilang contribution delinquency sa SSS.
Para sa mga employers na nais mag-avail ng contribution penalty condonation program, makipagugnayan sa opisina ng SSS Infanta na matatagpuan sa 311 CNV Business Hub, Gen. Luna St., Poblacion 39, Infanta, Quezon.