Nakilahok ang Luzon South 1 Division ng Social Security System (SSS) sa malawakang kampanya laban sa mga delingkwenteng employers o mas kilala bilang Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign noong April 28, 2023 sa Laguna, Cavite at Quezon.
Sabay-sabay na binisita ng RACE Team ang 80 establisyemento dahil sa hindi pagrerehistro ng kanilang negosyo at contribution delinquency na umabot sa P41.2 milyon.
“Base sa aming records, 756 empleyado ang apektado dahil sa hindi pagtupad ng employers sa kanilang obligasyon na naaayon sa RA 11199 o mas kilala bilang Social Security Act of 2018. Kaya’t ang tinarget namin sa operasyon ay mga employers na may malalaking halaga ng delinquency. Kailangan namin itong kolektahin hindi lang para maibalik ang “good standing” ng employers sa SSS, kundi para sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa. Kung rehistrado ang kanilang negosyo sa SSS at regular nilang hinuhulugan ang kontribusyon ng kanilang manggagawa, magiging qualified sila sa ibat-ibang benepisyo at pribilehiyo ng SSS,” sabi ni SSS Acting Head ng Luzon South 1 Division Edwin S. Igharas.
Ang bawat employed ng SSS ay maaaring makakuha ng Social Security (SS) benefits gaya ng sickness, maternity, disability, unemployment, retirement, death, at funeral. Maaari rin silang mag-apply ng salary o calamity loan. Maliban sa mga nabanggit, ang employed members ng SSS ay makakakuha rin ng Employees’ Compensation (EC) benefits kung work-related ang natamo nilang pinsala, sakit o pagkamatay.
Ibinahagi rin ni Igharas na hinihikayat nito ang mga employers na mag-apply sa SSS Contribution Penalty Condonation Program para sa mas maalwan na pagbabayad ng kanilang delinquency sa SSS. Maaari nilang bayaran ang hindi nai-remit na kontribusyon sa pamamagitan ng one-time payment o installment hanggang 48 buwan, depende sa halaga ng delinquency nito.
“Bukas ang aming opisina para matulungan sila sa kanilang aplikasyon. Para maibigay namin ang proteksyon ng bawat manggagawang Pilipino, kinakailangan namin ang buo nilang kooperasyon at suporta,” dagdag ni Igharas.
Noong 2022, 11 RACE Campaign ang isinagawa ng SSS Luzon South 1 Division na kung saan binisita ang 111 employers at nakakolekta ng mahigit-kumulang limang (5) milyong piso.