Ni: Aileen L. Matundan, SPA / SPG Adviser/
School AP Coor/Grade 5 Focal Person/Teacher 2
Santa Maria Elementary School, SDO Laguna
Bahagi ng pagiging guro ang gumawa ng iba’t-ibang mga ulat tungkol sa mga bagay na may kinalamanan sa paaralan. Nandiyan ang mga school forms, test results, item analysis, nutritional records at marami pang iba.
Ang mga nasabing reports ay taon-taong ginagawa ng mga guro, pero may mga reports din na binansagang “Rushian Report”, hango sa salitang Ingles na “rush”, na sa Filipino ay minadali o nagmamadali.
Ang mga tinaguriang rushian reports ay yung mga reports na kasasabi pa lang ay dapat mo ng ipasa agad. Na bibigyan ka lang ng konting panahon para ihanda at dapat mong gawing prioridad dahil nga sa ito ay biglaan.
Dito uusbong ang pagkadismaya ang ilang mga guro at pagka-stress sa ilan. Dahil na minsan imbes na magtuturo ka o gagawa ng nakatakda mong gawain ay bigla ka na lang hihingan ng report ng iyong punongguro o maging kapwa guro.
Makikitang minsan ang mga report na ito ay may kaparehong datos mula sa mga dati ng naipasang ulat. Halimbawa si Teacher Maria ay nagpasa na ng kaniyang item analysis para sa unang markahan, siya ay hihingan muli ng pandistrito o pansangay na opisina para sa kanyang ulat na pareho lang naman ang datos pero magkaiba ng template o minsan link.
Tila paulit-ulit lang ang paggawa ng isang ulat para sa iba’t-ibang opisina. Na dapat ay may iisang paglalagyan ng mga datos para sa doon na lang ilalatag ang mga datos para madaling makuha ng sino mang may kailangan. Sa ganitong paraan maiiwasan ang paulit-ulit na paghahanda ng guro ng parehong report.
Nararapat din na bigyan ng oras at panahon ang mga guro na gumawa ng ulat na hinihingi sa kanya. Hindi sa lahat ng oras ay kayang ihanda ng guro sa mga table o templates ang mga reports dahil nangangailangan ito ng oras ng isang guro. Oras na kulang para sa mga ibang gawaing pampaaralan.
Isang magandang kasanayan ang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga guro sa time management at pag-sasaayos ng mga dapat gawing prioridad o hindi. Sa ganitong paraan magkakaroon ng pagkakataon ang guro na mag-budget ng oras para ilaan sa pag-aayos ng mga records at mga datos para mas madali nilang maihanda sa oras ng biglaang pangangailangan.
Sa huling banda, wala dapat mastress, magalit o malungkot tuwing may mga “rushian reports” na biglang dumating sa iyo. Tandaan na kailangang nating unawain ang mga ganitong bagay upang lubos ang ating pagtatrabaho sa paaralan. Dapat nating isa-isip na itong mga ulat na ito ay biglaan dahil nangangailangan ito ng mas mataas na prioridad at kasama sa agarang desisyon at pagpapaplano ng departamento.