ni Ruben E. Taningco
SAN PABLO CITY, Laguna–Dahilan sa umiiral na kalalagayan ng panahon, na pataas-ng-pataas ang temperatura ng kapaligiran ay halos may labinglimang taon ng mahina ang ani sa mga sa mga halamang namumunga, tulad ng mga pataniman ng lansones, rambutan, at maging kape.
Halos wala ng cacao na napuputi sa kapaligiran ng Lungsod ng San Pablo, kaya naniniwala si Konsehal Martin Angelo B. Adriano Jr. na kinakailangang makatotohanang isapalatuntunan ang rehabilitasyon ng mga pataniman ng lansones, kape at rambutan, at
maging ng sitrus o dalanghita at kalamansi.
Makatotohanan ang mga impormasyon natatamo ni Konsehal Adriano, dahil sa regular siyang naglilibot sa mga kanayunan dahil sa kanyang proyektong pamamahagi ng mga binhi ng gulay kaugnay ng kanyang Palatuntunang Gulayan sa Bakuran.
Naniniwala si Konsehal Martin Adriano sa matandang kasabihan ng mga Intsik na “Kung bibigyan mo ang isang tao ng isda, siya ay magkakaroon ng isda sa loob ng isang araw, pero kung tuturuan ang isang tao na mangisda, siya ay magkakaroon ng isda sa buong panahon ng kanyang buhay,” kaya inilunsad niya simula ng siya ay maging kagawad ng Sangguniang Panglunsod, ang Palatuntunang Gulayan sa Bakuran upang ang mga taga-barangay ay magkaroon ng gulay sa loob ng isang buong taon.
Dahilan sa komplikado na ang paghahalaman sa kasalukuyan dahil sa walang katiyakang kalalagayan ng panahon, nabanggit ni Adriano na ang nasa isip niya ay ang pangangailangang ang Office of the City Agriculturist ay makipag-ugnayan sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ng Department of Science and Technology, o sa Bureau of Agricultural Research ng Department of Agriculture, para sa mga pagpapayong teknikal, upang muling mapaunlad ang mga pataniman ng lansones, rambutan, kape, sitrus, at maging ang mga punong niyog na mahina ng pag-anihan.