Matagumpay na naisagawa ang pagpupulong ng mga miyembro ng Primary Care Provider Network (PCPN) Steering Committee na ginanap sa Quezon Provincial Capitol sa Lungsod ng Lucena.
Ang nasabing pagpupulong ay pinangunahan ng PhilHealth Regional Office IV-A (PRO IV-A) sa pamumuno ni Acting Regional Vice President (ARVP) Edwin M. Oriña, MD na dinaluhan ng mga opisyal ng PhilHealth, Developmental Partners mula USAID at mga miyembro ng Steering Committee.
Kabilang ang lalawigan ng Quezon sa apat na sandbox sites na kinabibilangan din ng Bataan, South Cotabato, at Baguio City. Sa pamamagitan ng PhilHealth Konsulta Sandbox mapag-iisa ang sistema ng serbisyong medikal nng mga pasilidad na kabilang sa network upang mas maging madali at maayos na maibigay sa mga miyembro ang sapat at dekalidad na serbisyong pangkalusugan.
Sa pangunguna ng PhilHealth, tinalakay sa nasabing pagpupulong ang mga prayoridad na tungkulin ng mga kasapi ng nasabing Steering Committee kabilang ang pagsiguro na mabigyan ng kaukulang First Patient Encounter (FPE) at konsultasyon ang mga miyembro na nakatala sa mga pasilidad na kabilang sa network.
Bahagi rin ng programa ang seremonyal na pagbibigay ng 2nd tranche frontload capitation sa Lalawigan ng Quezon, kung saan mahigit 100 milyong pisong (Php 100,882,161.10) Capitation Fund ang naibigay ng PRO IV-A sa pangunguna ni ARVP Edwin M. Oriña, MD para sa Provincial Government na tinanggap ni Governor Angelina “Doktora Helen” Tan.
Ayon kay Gov. Tan, ang naturang capitation ay “Para sa patuloy na pagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa ating lalawigan.”
Ang PCPN ay grupo ng mga Konsulta Package Provider (KPP) na itinatag para:
- Mapataas ang registration rate ng mga miyembro sa PhilHealth Konsulta.
- Mas mapabuti ang paghahatid ng primary care benefits sa mga Filipino.
- At magkaroon ng referral system papunta sa ibang health facility (tulad ng laboratory), espesyalista, o ospital kung kailangang ma-confine ng pasyente.
Ang matagumpay na implementasyon ng PCPN sa naunang apat na sites ay maaaring sundan pa sa ibang lugar para sa mas maayos na paghahatid ng PhilHealth Konsulta sa buong bansa. (S. Carpio)