ni Atty. Batas Mauricio
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kung hindi na kayo makikinig at hindi na susunod sa mga utos ng Diyos… padadalhan Niya kayo ng mga sumpa… Padadalhan Niya kayo ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa buhay…” (Deuteronomio 28:15, 20, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
MAS MATINDING KAHIRAPAN DULOT NG PATULOY NA PAGTAAS NG PRESYO NG DIESEL: Marami ang nababahala sa muling pagtataas ng presyo ng kada litro ng diesel sa araw ng Martes, ika 05 ng Setyembre 2023.
Ayon sa mga opisyal na ulat, ito ang ika-siyam ng linggong singkad kung saan tumataas ang presyo, di na lamang ng diesel, kundi pati na ng gasolina at gaas.
Tiyak, ang epekto nito ay mas matinding kahirapan hindi na lamang ng transport sector, kundi ng buong sambayanan, dahil siguradong magtataasan ang mga presyo ng bilihin.
-ooo-
SALITA, PANLABAN SA MAHIRAP NA BUHAY: Sa harap ng ganitong pangyayari, alam na ng mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo ang gagawin. Pursigihin ang pag-aaral at pagsunod sa Salita at mga utos ng Diyos.
Maaaring marami ang magtataas ng kilay sa solusyong ito, at magsasabing wala namang kaugnayan ang presyo ng diesel, gasolina, at mga batayang bilihin sa Salita ng Diyos.
Yan ang problema sa Pilipinas at sa mundo. Walang unawa ang halos lahat ng tao na ang kahirapan, kaguluhan, at kabiguan nila ay bunga ng pagtalikod nila sa Salita ng Diyos.
Iisa ang solusyon, ayon sa salita ng Diyos. Kailangan ng mga tao na makinig (o magbasa at mag-aral) at tapat na sumunod sa mga utos ng Diyos, upang matigil ang kahirapan, kaguluhan, at kabiguan.
-ooo-
TIGIL-BENTA NG BIGAS, DAHIL SA PRICE CONTROL NG PALASYO: Maraming mamamayan ang pabor sa utos ng Malacanang na pagbawalan ang mga nagbebenta ng bigas na itaas ang presyo kada kilo ng bigas sa P41.00 at P45.00.
Kasi nga naman, mas makakamura ang mga mamimili ng bigas, sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng butil, na batayang pagkain ng mga Pilipino.
Pero, ang katotohanan dito, dahil lugi ang mga nagbebenta ng bigas sa utos ng Palasyo, tiyak ititigil na lamang nila ang kanilang pagbebenta nito.
Sa ganung pangyayari, mawawalan ng kakaining bigas ang marami sa ating mga kababayan. Gutom ang mararanasan ng mga Pilipino, pag nagkataon.
-ooo-
PRICE CONTROL SA BIGAS, DI SOLUSYON: Dahil doon, hindi solusyon ang utos ng Malacanang. Lalong pagpapalala sa sitwasyon ang ibubunga ng price cap sa bigas.
Bakit kaya hindi na lamang ang gobyerno mismo ang bumili ng bigas at pagkatapos ay ito na ang nagbenta sa higit na mas mababang presyo?
Wala kayang nakaisip ng ganitong pagkilos, sa dami ng opisyales ng gobyerno?
-ooo-
REAKSIYON? Telepono: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoocom.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG (PART 1): KAKAMPI MO ANG BATAS, ala una ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa Radyo Pilipino Luzon, Visayas, at Mindanao, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/radyopilipino, facebook.com/attybatas, facebook.com/philiplmauricio, at YouTube.com/ Kakampi Mo Ang Batas.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG (PART 2): AND KNK THE ONE’S CHANNEL, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 9 ng gabi, sa facebook.com/ANDKNK, facebook.com/Ang Tanging Daan, facebook.com/attybatas, YouTube.com/AND KNK.