By Cecile Maloles
CALAMBA CITY, Laguna — Inatasan na ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Calabarzon ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na magpatupad ng pre-emptive evacuation bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Bagyong “Opong”.
Sa kautusang inilabas ni RDRRMC Calabarzon Chairperson at Office of Civil Defense Regional Director Carlos Eduardo Alvarez III, pinatitiyak sa lahat ng local DRRMCs ang agarang pagtugon at paghahanda sa mga komunidad na nasa panganib.
Kabilang dito ang maagap na paglilikas sa mga lugar na madaling bahain at may panganib ng landslide upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Batay sa pinakahuling ulat ng DOST-PAGASA, lumakas na bilang Severe Tropical Storm ang bagyong “Opong” habang nasa Philippine Se. Palalakasin nito ang habagat na magdadala ng malalakas na hangin at bugso, lalo na sa mga baybayin at kabundukan.
Inaasahang magla-landfall ito sa Bicol Region sa Biyernes, Setyembre 26, bago tumawid ng Southern Luzon. Posible itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado, Setyembre 27.
Ayon pa sa memorandum, agad na ipapamahagi ng RDRRMC Emergency Operations Center (EOC) ang listahan ng mga barangay na lubhang delikado sa pagbaha at pagguho ng lupa batay sa datos mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) at forecast ng PAGASA.
Kaugnay nito, ilang lokal na pamahalaan sa Calabarzon ang nagdeklara na ng suspensyon ng klase upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro at estudyante.
Hinihikayat din ang mga LGU at DRRM councils na magsumite ng ulat sa pamamagitan ng email o online link na ibinigay ng ahensya.
Binigyang-diin ni Alvarez na “ang maagap na paghahanda at paglikas ay mahalagang hakbang upang maiwasan ang pinsala at matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.”
Kasabay nito, nagpalabas din ng kautusan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na nag-aatas sa mga LGU sa apektadong lugar na i-activate ang Operation L!STO protocols, magsagawa ng pre-emptive evacuation, at tiyakin ang maayos na kondisyon sa mga evacuation centers kabilang ang pagkain, tubig, at suplay medikal.
Pinaalalahanan din ang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committees na paigtingin ang ground monitoring at makipag-ugnayan sa lokal na pulisya, bumbero, at mga rescue units para sa mabilis na pagtugon.