ni Ruben E. Taningco
SAN PABLO CITY, Laguna–Nagpapaalaala si City Administrator Larry S. Amante sa lahat na ang pagtatala ng mga bagong botante, o registration of new voters ay magsisimula na ngayong Lunes, Disyembre 12, 2022, na tatagal hanggang sa huling araw ng Martes ng susunod na Buwan ng Enero, o sa Enero 31, 2023. Ito ay pag-alinsunod sa COMELEC Resolution No. 10868 na pinagtibay noong nakaraang Nobyembre 29.
Ang pagtatala ng mga bagong botante ay iniuugnay sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections na nakatakdang ganapin sa Oktubre 30, 2023 sang-ayon sa Republic Act No. 11935.
Ang mga dapat magpatala upang makaboto ng bubuo ng Sangguniang Kabataan ay simula sa may gulang na 15 taon sa o bago sumapit ang Oktubrer 30, 2023, o mga isinilang bago sumapit ang Oktubre 30, 2008. At para makaboto para makapaghalal ng mga bubuo ng Regular Sangguniang Barangay ay simula sa may gulang na 18 taon sa o bago sumapit ang Oktubre 30, 2023, o mga ipinanganak bago sumapit ang Oktubre 30, 2005.
Ang pagtatala ay araw-araw, Lunes hanggang Sabado, simula sa ika-8:00 ng umaga hanggang ika-5:00 ng hapon sa SM CITY SAN PABLO sa Barangay San Rafael.. Walang pagtatala ang isasagawa sa Disyembre 24 o bisperas ng Pasko; Disyembre 25, araw ng Pasko; Disyembre 31, 2022, huling araw ng taon; at Enero 1, 2023, araw ng Bagong Taon.
Hinihiling ni City Administrator Larry S. Amante sa mga pinunong barangay, at mga kaanib ng mga civil society organization sa lungsod ito ang pakikipagtulungan upang mapaalalahanan ang lahat ng mga may karapatang magpatala sa pinakamaagang pagkakataon upang makaboto sa nakakdang ganaping halalang pambarangay sa Oktubre 30, 2023.