ni Ruben E. Taningco
SAN PABLO CITY, Laguna–Nagpapaalaala ang maybahay ni Congressman Loreto S. Amante, si Punong Barangay Ma. Claudette A. Janolino-Amante ng Barangay San Gabriel sa lungsod na ito, na sa kapasiyahan ng Commission on Elections (COMELEC), ang pagtatala ng mga bagong botante ay hanggang Setyembre 30, 2024 na lamang, upang makaboto sa May 12, 2025 Mid-Term Elections.
Ang Sangguniang Barangay ng San Gabriel ay naglunsad ng malawakang kampanya upang ang kanilang mga kabarangay na dapat magpatala ay magpatala na kaagad, at huwag ng hintaying sa huling sanglinggo ng buwang kasalukuyan magpatala, upang makaiwas sa pagsisiksikan.
Sa pamamagitan ng mga media group ay nananawagan din si Gng. Claudette Amante sa kanyang mga kapuwa barangay official na maglunsad din ng malawakang pagpapaalaala sa kanilang mga kabarangay.
Ang pagtatala rito sa San Pablo City ay ginaganap sa COMELEC Office na pansamantalang nasa Cinema House Lobby sa 2nd Floor Level ng SM City San Pablo sa Barangay San Rafael. Ito ay bukas araw-araw, Lunes hanggang Sabado, mula sa ika-8:00 ng umaga hanggang ika-5:00 ng hapon. Sa mga “municipio” ang pagtatala ay ginaganap din araw-araw hanggang ika-5:00 ng hapon sa kanilang “municipal hall.”
Ayon kay Punong Barangay Claudette J. Amante, ang dapat magpatala ay lahat ng mga mamamayang Pilipino na sasapit sa gulang na 18 taon sa o bago sumapit ang May 12, 2025 Mid-Term Election; mga mamamayang Pilipino na nanirahan sa labas ng bansa na patuluyan nang naninirahang muli sa Pilipinas na hindi kukulangin sa loob ng isang taon sa o bago ang araw ng halalan; ang mga dati ng rehistradong botante na dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay hindi nakaboto sa mga nakaraang halalan, kaya naalis na ang kanilang pangalan sa talaan ng mga botante.
Kung ang magpapatala ay 18 taong gulang pa lamang, makabubuting magdala ng kopya ng birth certificate at isang valid identification card, at makabubuti ring may kasamang kilala sa tanggapan ng Election Officer para madaling mapatunayan na siya ay residente ng lungsod o munisipyong kanyang pagpapatalaan.
Sa dahilang ang nagpapatalang botante ay kukunan ng biometric na magiging bahagi na ng kanyang palagian tala o permanent record sa COMELEC, nagpapayo si Gng. Amante na makabubuting ang magpapatala sa kanyang pagtungo sa Office of the Election Officer sa SM City San Pablo ay may maayos na kasuutan.