ni: Carolina B. Jastio, Master Teacher I
Diosdado P. Macapagal Elementary School
SDO-Quezon City
Ang pagbabasa ay mahalaga para sa pagtatamo ng kaalaman, pagpapalawak ng ating pang-unawa sa mundo, pagpino ng mga kritikal na kasanayan sa pag-iisip, at pagpapaunlad ng personal na mga kakayahan. Ito ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa ating intelektwal, emosyonal, at panlipunang pag-unlad. Ang tanong ay, paano natin matutulungan ang ating mga batang mag-aaral na magkaroon ng mahusay na mga kasanayan sa pagbabasa?
Ang pagbabasa ay kailangan para sa pag-aaral, kaya ang pagkintal ng pagmamahal sa pagbabasa sa murang edad ay ang susi na magbubukas ng pinto sa panghabambuhay na pag-aaral. Dapat nating tandaan na ang pagbabasa ay isang kasanayan sa pagtanggap – sa pamamagitan nito ay nakakatanggap ang ating mga mag-aaral ng impormasyon. Sa ganitong diwa, ang pagbabasa ay isang produktibong kasanayan na parehong tumatanggap ng impormasyon at naghahatid nito – sa ating mga sarili maging sa iba.
Bilang mga guro, isa sa ating responsibilidad ay linangin ang kakayahan ng ating mga batang mag-aaral sa tamang pagbabasa. Subalit, karamihan sa kanila ay hindi nagbabasa ng mahusay dahil mas madalas silang gumagamit ng mga cellphones at iba pang gadgets. Ang social media, mga video games, at mga online videos ay lahat mahigpit na kumpetisyon para magbasa ng libro ang isang mag-aaral. Nararapat lamang na tulungan natin ang ating mga mag-aaral upang sila ay makapaglaan ng oras upang tunay na mahalin ang pagbabasa.
Kailangang maintindihan at maisa-puso ng ating mga batang mag-aaral ang kanilang layunin kung bakit sila nagbabasa. Maraming dahilan kung bakit maaaring basahin ng isang estudyante ang isang teksto o libro. Kung maiintindihan ng ating mga bata sa kanilang murang gulang kung bakit kailangan nilang magbasa ay makakagawa ito ng pagkakaiba sa kung paano nila babasahin at sa kung gaano nila ito gustong maintindihan.
Isa sa dapat maunawaan ng ating mga mag-aaral ay nagbabasa tayo upang mas lumawak ang ating kaalaman. Ang pagbabasa ay nagpapagana ng iba’t ibang lugar sa ating isip. Ang pagbabasa ay nangangailangan ng pag-unawa upang iproseso ang mga salita na ating nababasa. Higit pa riyan, maaari rin nilang malinang ang kanilang mga kakayahan sa pagsusuri, pag-alaala, at pagpapalawak pa ng kanilang mga imahinasyon sa pamamagitan lamang ng mga salita sa isang pahina.
Mas nalilinang din ng pagbabasa ang ating pagsusulat. Ang pagpapatibay ng pundasyon sa pagbasa ay kaakibat rin ng sa pagsulat. Iyon ang dahilan kung bakit kung naghahanap ka ng paraan upang maging isang mas mahusay na manunulat, marami sa mga mungkahi na makikita natin ay kasama ang pagbabasa. Ang pagiging pamilyar sa mga bagong salita na kanilang matatagpuan sa pagbabasa ay isang malaking tulong sa pagpapalawak ng kanilang bokabularyo. Isang subok ng estratehiya para rito ay kung makatagpo ang ating mga mag-aaral ng anumang salita na hindi pamilyar sa kanila, ay maglaan sila ng ilang sandali upang isulat at hanapin ang mga kahulugan ng mga ito. Tandaan na dapat alam din nila ang tamang paggamit nito sa isang pangungusap.
Sa kabuuan, kapag marami kang nabasa, walang alinlangang marami kang matututunan. Kapag mas marami kang nababasa, makakaabot ka sa antas ng pagiging “well-read.” Nangangahulugan ito na marami kang alam tungkol sa iba’t ibang bagay. Ito ay ilan sa mga kailangang maikintal at maitanim natin bilang mga guro na nagtuturo ng pagbasa sa puso at isipan ng ating mga batang mag-aaral upang sila ay maging matagumpay sa kakayahang ito.
Ang pagbabasa ay isang regalo sa ating mga mag-aaral at isang pribilehiyo. Mula sa kanilang pagbabasa ng mga teksto sa pinapanood nilang online videos hanggang sa pagbabasa ng kanilang mga libro sa paaralan, hindi nila matatakasan ang pagbabasa. Kung kaya nararapat lamang na habang maaga, malinang natin ang pagmamahal ng ating mga batang mag-aaral sa pagbabasa upang sila ay maging mahuhusay at kapaki-pakinabang na mga mamayan ng ating bansa mula ngayon, hanggang sa kanilang pagtanda.