ni: Dr. Adeline M. Montefalcon
Master Teacher I/ School LRMDS Coordinator
SDO Laguna, Nagcarlan Sub Office
Plaridel Elementary School
Isang hapon ng Sabado, masuyong lumapit si Toti sa kanyang Ina. Ibig niyang magpaturo kung paano makagagawa ng hugis ng tala na may pantay na mga sinag. Kahit ilang ulit na niyang sinubukang gawin itong mag-isa ay inabot siya nang pagkabagot, pagkainis, at halos iyakan niya ang kanyang munting suliranin.
Agad naman siyang tinulungan ng kanyang Ina nang malamang may pinagdaanang kabiguan ang kanyang anak na si Toti.
Matiyagang inisa-isa ng Ina ang bawat hakbang upang maging ganap ang kasiyahan ni Toti nang sandalling iyon. Kumuha ng isang papel na kulaykahel ang Ina at ipinakita ang paraan nang paggawa nito.
Una, itiklop ang papel at sikaping makalikha ng isang hugis parisukat.
Ikalawa, gupitin ang labis na papel matapos maitupi nang isang hugis parisukat.
Ikatlo, mula sa pagkatupi nito na hugis tatsulok ang kabilang bahagi, itiklop muli nang tatlong beses hanggang makabuo ng hugis tatsulok na may pantay na laki.
Ikaapat, guhitan nang pahilis ang natiklop na papel.
Ikalima, ginupit ang bahaging may guhit upang maging tuwid ang pagkagupit.
Matiyagang isinagawa ni Toti ang bawat hakbang nang kasabay ng kanyang Ina. Nakangiti si Toti habang binubuklat ang ginupit na perpektong talang-papel. Tunay na ang Ina ay laging maaasahan sa lahat ng sandali.
Buong-galak na niyakap ni Toti ang kanyang Ina bilang tandan ang pagpapasalamat at pagmamahal.
Panuto: Sumunod sa limang (5) ibinigay na panuto at tingnan ang kalalabasan ng iyong talang-papel kung ito ay perpekto.