ni Atty. Batas Mauricio
————————
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito… Ipapalusob kayo ni Yahweh sa isang bansang mula pa sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ninyo alam ang kanilang wika. Simbilis ng agila na sasalakayin nila kayo. Matitigas ang kalooban ng mga taong iyon, at walang awa sa matanda man o bata…” (Deuteronomio 28:15, 49-50, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
ANG MGA PILIPINO ANG DAPAT SISISIHIN SA PAGLUSOB NG CHINA SA PILIPINAS: Sari-sari at napakarami ngayon ang mga kumokondena sa China, sa mga pinuno nito, at maging sa mga pinuno ng Pilipinas, sa problema tungkol sa Karagatan sa Kanluran ng Pilipinas.
Sa pananaw ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, hindi makatwiran ang mga pagkondena at paninising ito sa mga pinuno ng China at ng Pilipinas.
Hindi lamang naman sila ang dapat sinisisi. Ang dapat na lalong sisisihin ay tayong mga Pilipino mismo.
-ooo-
IPINALUSOB TAYO SA CHINA DAHIL DI NA TAYO NAKIKINIG, DI NA TAYO SUMUSUNOD, SA KANIYANG SALITA: Ang dahilan, hindi na kasi tayo nakikinig, at hindi na din tayo sumusunod, sa mga utos ng Diyos, kaya nangyayari ang kapariwaraang ito sa ating bayan.
Kung nakikinig at nagbabasa sana ang mga Pilipino ng Salita ng Diyos na nakasulat sa Bibliya, malalaman nila na ang paglusob ng China sa {ilipinas ay isinulat na sa mga kapitulo at bersikulo ng Banal na Aklat noong una pa lamang.
Ayon sa aklat ng mga sumpa na nakatala sa Deuteronomio 28:15-68, kapag ang isang bayan ay di na nakikinig at di na sumusunod sa mga utos ng Diyos, padadalhan sila ng Diyos ng mga sumpa.
-ooo-
PAGLUSOB NG IBANG BANSA, SUMPA NG DIYOS: Kasama sa mga sumpang ito, ayon sa Diyos, ang paglusob ng mga dayuhan mula sa malayong bansa, na ang wika ay hindi natin mauunawaan.
Kukunin ng mga dayuhang ito ang mga ani, mga alagang hayop, at ang likas na yaman ng ating bansa.
Ang masakit pa, hindi titigil ang mga problemang ito hanggang sa ang pilipinas ay tuluyang mawasak at matumba.
-ooo-
11 M NA BUMIBILI SA JOLLIBEE, NANAKAW ANG MGA PERSONAL NA IMPORMASYON: Kung kustomer o bumibili kayo sa Jollibee, o may health insurance kayo sa Maxicare, o kliyente kayo ng Toyota, o Robinson’s Land, malamang sa hindi ay nasa kamay na ng mga hackers ang inyong mga personal na impormasyon.
Iniulat ng mga kompanyang ito na napasok ang kanilang computer systems ng masasamang loob na nagnanakaw ng mga impormasyon tungkol sa mga tao, upang gamitin sa kanilang pampersonal na interest.
Ang ganitong kalagayan nila ay ipina-abot nila sa National Privacy Commission, ang opisina ng gobyerno na nangangasiwa sa mga sensitibong impormasyon ng mga Pilipino na nakukuha sa pamamagitan ng mga computers.
-ooo-
DELIKADO ANG KATAYUAN NG MGA PILIPINONG NA-HACK ANG PERSONAL INFORMATION: Hindi man aminin ng mga kinauukulan, magdudulot ang ganitong pagnanakaw ng mga impormasyon tungkol sa pagkatao ng mga kababayan natin ng posibilidad na masangkot sila sa krimen kahit na hindi sila gumawa ng anumang paglabag.
Nakakatakot ito, sa totoo lang. Sa panahon ngayon na laganap ang mga katiwalian sa mga online transactions, lantad ang ating mga kababayan sa abuso ng mga masasamang tao.
Wala na ding magawa pa ang gobyerno para ma-proteksiyunan ang mga Pilipino.
Pero, may solusyon dito— ang Diyos lamang, wala ng iba.
Sa mga ganitong sitwasyon patatagin natin ang ugnayan natin sa Diyos, sa pamamagita ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya at totohanang mga panalangin.
-ooo-
REAKSIYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. Cell phone number +63 947 553 4855.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG (PART 1): KAKAMPI MO ANG BATAS, ala una ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/attybatas, facebook.com/philiplmauricio.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG (PART 2): AND KNK THE ONE’S CHANNEL, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 10 ng gabi, sa facebook.com/ANDKNK, facebook.com/attybatas.