ni Ruben E. Taningco
Photo by Diogenes L. Bunquin
Ang 817 barangay health worker (BHW) na mga kusangloob na naglilingkod sa iba’t ibang barangay sa sakop ng 3rd Congressional District ay pinagkalooban ng tulong na Free Medical Kit sa ilalim ng isang palatuntunan nina President Ferdinand R. Marcos Jr. at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamamag-itan ni Congressman Loreto S. Amante, na ang pamamahagi ay ginanap sa San Pablo City Multi-Purpose Convention Center noong Miyerkoles, Setyembre 4, sa tulong ng mga City/Municipal Social Welfare and Development Officer ng bawat pamahalaang lokal.
Ayon kay Gng. Grace Dulnuan Adap, retiradang City Social Welfare and Development Officer ng San Pablo City na ngayon ay kasangguni sa Tanggapan ng Mambabatas, ang medical kit ay malaking tulong sa mga BHW, lalo na iyong mga nakatalaga sa liblib o interior barangay upang sila ay makapagbigay ng tamang pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa isang may idinaraing na karamdaman.
Ang bawa’t medical kit ay naglalaman ng sphygmomanometer o blood pressure monitor; blood glocuse meter o pagtantya sa asukal sa dugo; stethoscope; thermometer; pulse oximeter sa pagsukat ng oxygen level sa dugo, at mga basic household drug. May kasama rin itong “Handbook” na inihanda ng Department of Health upang ang mga BHW ay maging higit na epektibo sa pagkakaloob ng tulong na pangkalusugan.
Ayon kay Congressman Loreto S. Amante, nasubukan na ang pagiging epektibo o mabisa ng paglilingkod sa mga may karamdaman ng mga BHW, bagamat sila ay salat sa maayos o kinakailangang kagamitan, kaya naman nang may nakapagbulong sa kanya ng tulong nina President Marcos at Speaker Romualdez sa mga Barangay Barangay Volunteer Worker, ay kaagad inatasan niya si Mrs, Adap na makipag-ugnayan kaagad sa mga Local Social Welfare and Development Officer upang alamin kung ilang BHW mayroon ang bawat municipal government sa distrito na magiging gabay niya sa paghiling ng tulong.