ni Kevin Pamatmat
Calamba CITY, Laguna—Ipinagmalaki ni Mayor Roseller H. Rizal ang kasalukuyang kalalagayan ng Lungsod ng Calamba sa ginanap na Ika-282 Taong Pagdiriwang ng Pagkakatatag nito na ginanap sa Jose Rizal Coliseum noong Agosto 28, 2024.
Ayon sa ulat ni Mayor Rizal, puno aniya ng mga proyekto at programa ang naisakatuparan na at isasagawa pa ng kanyang administrasyon para sa mga Calambeño.
“Pinili kong ilarawan ang kasalukuyang estado ng ating lungsod sa estado ng buhay ng isang ordinaryong Calambeño,” pahayag niya, kung saan ang dating maliit na bayan ngayon ay tinitingala na sa buong bansa.
Sinabi ng punonglunsod na sa loob lamang ng dalawang taon ng panunungkulan ay malayo na ang narating ng Calamba.
Isa sa mga ipinagmamalaki ng lungsod ang mga condominium-type na pabahay na maituturing na “world-class”.
Dagdag pa rito ang pagkakaroon ng mga doktor at nurse sa barangay at ang pagiging kampeon ng lungsod sa larangan ng nutrisyon.
Kamakailan lamang ay pinarangalan ang Pamahalaang Lungsod ng Calamba bilang Top 8 sa 114 na component cities, at number 1 sa buong Laguna sa Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) National Ranking ng 2023.
Ipinagmamalaki rin ng lungsod ang pagiging Top 2 sa Innovation Pillar, Top 4 sa Economic Dynamism, at Top 9 naman sa Infrastructure Pillar.
Sa bahagi ng kalusugan, iginawad sa Calamba ang Excellence in Health Governance mula sa Department of Health.
Pinarangalan din ito ng The Manila Times bilang Model City at tumanggap ng Safe Haven Award noong buwan ng Setyembre ng nakaraang taon.
Nakamit din ng lungsod ang Gawad Kalasag Seal of Excellence 2023 at Beyond Compliant Award para sa Risk Reduction Management and Climate Change Adaptation Efforts mula sa DILG.
Bukod dito, kinilala rin ang Anti-Drug Abuse Council ng Calamba bilang “highly functional.”
“Manatili sana tayong nagkakaisa upang lubusang matupad ang ating mga pangarap para sa atin at sa ating mga pamilya. Wala tayong ibang sandata kundi ang talino na piliin ang tama at nararapat, at wala tayong ibang kalakasan kundi ang katapatan at pagmamahal mula sa puso,” panawagan ni Mayor Rizal sa pagtatapos ng kanyang ulat.
Samantala, nagbigay din ng mensahe ng pasasalamat sina Vice Mayor Atty. Angelito S. Lazaro Jr. at Congresswoman Charisse Anne Hernandez Alcantara sa lahat ng dumalo sa makasaysayang selebrasyon ng Lungsod ng Calamba.