SANTA ROSA CITY, Laguna — Pormal nang nanumpa sa tungkulin sina Mayor Arlene B. Arcillas, Vice Mayor Arnold B. Arcillas, at iba pang bagong halal na opisyal ng lungsod na ito sa isang makasaysayang seremonya ng inagurasyon na isinagawa noong Hunyo 30, 2025.
Ito ang ikatlo at huling termino ni Mayor Arlene bilang punonglungsod, matapos siyang mahalal muli nang walang kalaban. Sa kanyang talumpati, taos-puso niyang pinasalamatan ang 162,000 na mga botante ng lungsod na muling nagtiwala sa kanyang pamumuno.
“Running unopposed is not a personal triumph; it is our collective declaration na walang makapipigil sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng Santa Rosa bilang isang makabagong lungsod na nagbibigay ng makataong serbisyo sa mamamayan,” ani Mayor Arlene.
Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, binigyang-diin ni Mayor Arlene ang apat na haligi ng kaunlaran na patuloy na magiging gabay ng lungsod: Sustained Growth and Development, Improved Quality of Life, Enviable Living Conditions, at Safe and Secured Communities.
Ipinahayag rin niya na sa natitira niyang tatlong taon sa panunungkulan, layunin niyang tiyaking ang bawat proyekto ay may tiyak na epekto at benepisyo para sa bawat pamilya sa Santa Rosa. Binigyang-diin niya na higit pa niyang paiigtingin ang “Serbisyong Makatao” at “Lungsod na Makabago.
“Our mission is clear: cement the foundations so firmly that the next generation can only build higher,” ani Arcillas. “Every peso in the budget, every kilometer of road, every byte of data will be mapped to a pillar and tracked on an open-data city dashboard you can view on your phone.”
Gayundin, ipinangako ni Mayor Arlene na walang iwanan bagkus ay lalo pang magtutulungan ang lungsod at ang mga sektor sa paggawa ng mga programa. Kilala si Mayor Arlene sa kanyang istilo ng participatory governance o pamumunong bukas sa konsultasyon at aktibong pakikipag-ugnayan sa komunidad. Sa ilalim ng kanyang liderato, naging matatag ang ugnayan ng pamahalaan at ng mga sektor sa lipunan—mula kabataan, kababaihan, manggagawa, hanggang senior citizens at mga negosyante.
Ang seremonya ay dinaluhan nina Vice Mayor Arnold Arcillas, mga miyembro ng ika-walong Sangguniang Panlungsod, mga barangay at department heads, gayundin ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor. Kasama rin sa panunumpa ang mga bagong halal na konsehal ng lungsod, board members at congressman, na inaasahang makikiisa sa patuloy na pagbibigay ng serbisyong makatao at lungsod na makabago.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nag-iwan si Mayor Arlene ng isang paalala ukol sa diwa ng inklusibong pag-unlad:
“Ang tagumpay ng Santa Rosa ay tagumpay nating lahat. Together, let us build and leave behind a Santa Rosa na tunay na MAKATAO, tunay na MAKABAGO, at tunay na MATATAG.”
Patunay ang inagurasyong ito sa patuloy na pagtitiwala ng bawat Pamilyang Santa Rosa sa pamumuno ng kanilang mga halal na opisyal, at sa kolektibong pangarap para sa isang progresibo, ligtas, makatao at makabagong lungsod.