ni Ruben E. Taningco
ALAMINOS, Laguna–Pag-alinsunod sa layunin ng Climate Change Commission (CCC) na maitatag at mapahusay ang pagiging “climate resilience of our communities” ay nananawagan si Municipal Government-Environment and Natural Resources Officer Rey Jolongbayan sa lahat na magkaroon ng malasakit na makapagtanim ng ano mang uri ng punong kahoy, lalo na yaong ang dahon ay hindi nalalaglag o nalalagas sa loob ng buong taon, sapagka’t ito ang makatutulong upang mapanatiling kaya ng tao ang init o temperatura ng kapaligirang kanilang ginagalawan.
Ito ay pag-alinsunod sa itinatagubilin ng Proclamation No. 396, Series of 2003, na sinusugan ng Proclamation No. 643 Series of 2004. At ito ay magagawa ng lahat, lalo at iisiping nagsisimula na ang panahon ng tag-ulan na ang mga bagong tanim na puno ay hindi na kinakailangang diligin.
Kung magpuputol ng puno ayon sa MG-ENRO, lalo na kung ito ay hindi naman lubhang malapit sa bahayan na tinitigilan ng tao, ay sikaping ito ay may maiiwang tuod, upang ito ay muling supangan ng sanga na magpapatuloy na ang puno ay buhay, at ang mga ugat ay nananatiling nakatutulong upang mapangalagaan ang pagkakaroon ng sapat na tubig na dumadaloy sa mga bukal sapagkat kinikilala ng mga environmentalist na ang kabuuang lawak ng isang pamayanan ay pintungan- ng- tubig o watershed. Dapat ding pangalagaan ang laywan at iba pang mga insekto na “pollinator” ng mga halaman.
Ipinapayo rin ni Jolongbayan na ang mga bata ay payuhang makipagtulungang mapangalagaan ang mga ibon at laywan sa kapaligiran, o huwag itong papatayin na hindi naman para kainin, kundi nakakatuwaan lamang, sapagka’t ang mga ibon, laywan, at iba pang kapakipakinabang na insekto ay nilikhang nakatutulong upang mapanatiling malusog at namumunga ang mga punong kahoy, at sa pagsisikap na muling mapagubat ang mga nakalbo ng bahagi ng kapaligiran.
Naninindigan ang bagong talagang pinuno sa pangangalaga ng kapalighiran at likas-yaman na, “ang bawa’t punong itatanim ngayon, ay punong magpapatatag sa buhay at pamumuhay ng kanilang mga anak o ng susunod na henerasyon,” sapagkat ito ang gagawang ang temperatura ng kapaligiran ay angkop para ang kapaligiran ay maging tahanan ng tao.