ni Ruben E. Taningco
SAN PABLO CITY, Laguna–Kaugany ng kampanya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa malawakang pagtatanim ng mga punong kahoy, nagpapaalaala si (OIC) City Environment and Natural Resources Officer Dennis A. Ramos na kung magsisipagtanim man ng mga fruit-bearing trees, tulad ng lansones, rambutan, at sitrus, ay makabubuting magtanim din ng mga timber trees tulad ng Yakal (Shorea astylosa), Mahogany (Swietenia macrophylla), Almaciga (Agathis philippinensis), at kawayan, dahil sa ang mga ugat nito ang mahusay pumigil ng tubig, at nakatutulong upang maiwasan ang mga pagguho ng lupa o erosyon.
Ipinaalaala na ang mga punong namumunga ay dapat haluan ng mga punong pagdating ng panahon ay pagkukunan naman ng mga tabla upang maging balanse ang tubig sa kapaligiran, dagdag pa ni Ramos.
Halimbawa, kung ang tanim ay puro rambutan, kung patuloy at mahaba ang panahon ng tag-ulan, at ito ay mamunga, dahil sa tubig na natipon sa mga ugat nito, ay maaaring ang bunga ay manlaglag bago mahinog, o iyong tinatawag ng mga matatanda sa nayon na “natutuba.” Ang dapat ang mga puno ay may katabing timber tree, upang sa mga ugat ng timber tree matipon ang subrang tubig at ang mga dahon nito ang makapagbigay ng lilim sa mga punong ang pinahahalagahan ay bunga.
Ipinapapansin ni Ramos na halaman man ay nagtutulungan upang mapanatili ang kanilang lahi sa kinatutubuang lupa.