K |
Kasado na ang mga paghahanda ng pamahalaang bayan ng Los Baños sa pangunguna ni Mayor Anthony “Ton” Genuino at mga miyembro ng komite ng pamahalaang bayan para sa nalalapit na selebrasyon ng 23rd Bañamos Festival simula Setyembre 17 hanggang Setyembre 22.
Sa temang, “Patuloy ang Progreso sa Matatag na Bayan ng Los Baños”, pangunahing layunin ng selebrasyon na gawing mas masaya, makulay, makakalikasan at makabuluhan ang pagdiriwang ngayong taon na ginugunita kasabay ng ika-409 taong pagkakatatag ng bayan.
Muling itatampok sa 23rd Bañamos Festival ang iba’t ibang mga aktibidad na kinagiliwan at dinayo ng mga mamamayan mula sa Los Baños at kalapit bayan tulad na lamang ng Hot Air Balloon Fiesta, Civic Shower Parade, Color Run, Bañamos Aquagames, Bayle sa Kalye, Zumbaños, Mister and Miss Bagong Los Baños, at Grand Revelry.
May mga bago ring aktibidad na ilulunsad katulad na lamang ng Makiling Photography Contest, Flower and Garden Show, Flower and Fruit-baearing Tree Planting, Murals of Makiling, Padyak LB Kiddie Edition at kauna-unahang Drone Light Show na gaganapin sa bayan ng Los Baños.
Bagaman hindi maiiwasan ang katamtaman hanggang sa mabigat na daloy ng trapiko sa araw ng selebrasyon ay sinisiguro naman ng lokal na pamahalaan ang pangkalahatang kaayusan ng bayan at kaligtasan ng mga dadalo at makikiisa sa selebrasyon.
Gayundin ay binigyang-diin na bibigyang respeto at konsiderasyon ang mga dadaan sa bayan sa araw na ilunsad ang mga aktibidad na may kinalaman sa tubig bilang ang Bañamos ay mula sa salitang Espanyol na ibig sabihin ay “we bathe” o “naligo kami” upang maiwasan na makasagabal sa ibang tao. (MO/PIA4A; CH/PIA-Laguna)