Ni Ruben E. Taningco
Naninindigan si Congressman Loreto S. Amante ng Ika-3 Distrito ng Laguna na lubhang mahalaga ang isports o palakasan sa isang lipunan, sapagka’t ito ang daan upang ang tao ay makintalan ng tamang pagpapahalaga ng pagiging maginoo, bukod pa sa pagkakaroon ng kasanayan upang sa pagkilos ay laging magkaugnay ang katawan at ang isip na nakatutugon sa tinatanggap na alituntunin at pamantayan ng lipunan na malaki ang naitutulong na magtagumpay maging sa mga gawaing panghanapbuhay.
Naniniwala ang mambabatas na isang pangangailangan ang isport sa kaunlaran ng pamayanan, at ikasisigla ng lipunan. Pinatutunayan ng kasaysayan na noong mga unang panahon, tulad sa Gresya, ang isport ay mahalagang palatuntunan upang ang mga kabataan ay maging produktibo, at masanay na may malasakit sa kapakanan at kagalingan ng kanilang kahariang-lunsod. Ang mga palaro ay isa ring paraan ng kanilang pagpupuri o pagsamba sa mga hindi nakikitang pinaniniwalaang makapangyarihan.
Dahil sa paniniwala ni Amante na ang isports o palakasan ay bahagi ng susi sa kaunlaran, ang pagpapasigla sa lahat ng uri ng larong nilalaro sa mga palarong itinataguyod ng mga yunit ng pamahalaang lokal sa sakop ng Ika-3 Distrito ng Laguna ay ganap niyang sinusuportahan.