Ni: Aureanice R. Flores
San Isidro ES,
Luisiana Sub-Office, SDO Laguna
Bilang guro sa pampublikong paaralan, marami akong ginagampanan papel hindi lamang magturo sa pisara, magpabasa, magpasagot ng mga tanong at iba pa. Bilang guro tinitiyak namin na natututo ang mga bata ng mga aralin at ipakita sa kanila ang kahalagahan ng edukasyon.
Kasama sa ginagawa ng isang guro ay maging janitor sa loob ng kaniya silid-aralan, may pagkakataong kailangan kong ipakita sa mga bata kung paano mag-walis ng sahig, maglampaso at tamang paraan ng pagtatapon ng basura.
Isa din akong nars, na naglalapat ng first aid sa tuwing may batang nasusugatan, nagagalusan o nabubukulan dulot na din sa kanilang kalikutan o minsan katigasan ng ulo. Kasama na din ang pagpapakita sa kanila ng tamang paraan ng paghuhugas ng kamay at mga paalala tungkol sa kalusugan. Pag-ulat ng kanilang timbang at taas ay amin ding ginagawa taon-taon upang maging basehan sa feeding program.
Ako ay isang pulis sa paaralan, trabaho ko na magkaroon ng peace and order sa loob ng silid-aralan. Umawat sa mga nag-aaway na bata, nag-iimbestiga sa mga ganapan lalo na kung nagkaroon ng asaran, sumbungan, iyakan at pikunan sa pagitan ng mga bata.
Tumatayo din ako bilang guidance counselor, kinakausap ko ang mga bata lalo na sa tuwing kailangan nilang malaman na may pagkakamali silang nagawa. Pinapayuhan ng mga dapat gawin upang hindi na muling maulit ang kanilang pagkakamali.
At sa maraming papel aming ginagampanan bilang guro ng mga mag-aaral ang lahat ng ito ay matagumpay namin ginagawa sa pagtatapos ng bawat taong panuruan. Hindi din dito natatapos ang aming tungkulin bilang guro dahil habang buhay kaming aalalay at susuporta sa aming mga mag-aaral.