by: Dr. Adeline M. Montefalcon
Master Teacher I/ School LRMDS Coordinator
Plaridel Elementary School
Nagcarlan Sub Office, SDO Laguna
Pagbati po nang isang mapagpalang araw sa ating lahat. Narito po ako sa inyong harapan upang kayo ay handugan ng aking sariling kwentong may pamagat na: “Filipino: Wikang Mapagpalaya”.
Bago po ako magpatuloy sa pagkukuwento, nais ko munang bigyang-diin ang mga elemento ng kwento na dapat nating bigyang-pansin:
1. Sino kaya ang pangunahing tauhan sa ating kwento?
2. Saan kaya ito naganap?
3. Ano kaya ang pinaka tampok na pangyayari sa kwento o ang plot summary nito?
4. Handa na po ba kayong makinig?
Isang araw ng Miyerkules, Ika-31 ng Hulyo, sa loob ng aming tahanan, ay lumapit ako sa aking ama at nagbalitang bukas ay Agosto na at pinaghahanda kami ng aming guro ng kasuotang sumisimbolo sa bansang Pilipinas bilang pagbibigay-pugay sa buwan ng wikang Pambansa.
“Tatay, maari po ba akong bumili ng kasuotang angkop sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Filipino kasama si Nanay para bukas?” Laking tuwa ko nang agad pumayag sa aking munting hiling ang aking ama! “Maraming salamat po, Tatay! IIngatan ko po ang damit na aking bibilihin”.
“Si Nanay mo na lang ang bibili ngayon”. “Kailangan muna nating mag-usap para mas maunawaan mo ang ibig ipahayag ng taus-pusong pakikiisa natin sa pagdiriwang na ito ng buong Pilipinas”. Naupo kami ng aking ama at naghanda ako sa pakikinig ng kanyang kwento.
“Anak, ang bansang Pilipinas ay binubuo ng pitong-libo anim na raan at apatnapu’t isang mga pulo (7641) mula Luzon, Visayas at Mindanao. Kaya mayroong isangdaan at limampung diyalekto (150) ang ating bansa. Ito ay masasabing isa sa mga balakid na kinakaharap ng Pilipinas sa pagkakaroon ng mabagal na ugnayan. Ang pagsalin ng mga kwento o balita ay madalas na iba sa orihinal nitong mensahe sanhi nga nang iba’t ibang diyalekto mula sa iba’t ibang pulo sa loob ng ating bansa. “May tainga ang lupa, may pakpak ang balita”…..madalas, ito ang nababanggit…dagdag-bawas ang kwento.
Ganunpaman, dahil sa pangunguna ng ating mahal na Pangulong Manuel Luis Quezon, ang bantog na “Ama ng Wikang Filipino”, ang balakid na ito ay nabigyang katugunan sa ilalim ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, isang daan tatlumpu’t apat, na inilabas at nilagdaan ni Pangulong Quezon noong Disyembre taong labinsyam tatlumpu’t pito (1937). Naaprubahan ang paggamit ng Tagalog bilang saligan ng Wikang Pambansa. Idineklara at naproklama ang Pambansang Wika batay sa Tagalog.
Nagbunsod ito tungo sa iisang layunin makabansa nating mga Pilipino…….ang magkaisa upang bantayan ang Kalayaan ng bawat isang mamamayang Pilipino laban sa sinumang nais magtangkang sakuping muli ang ating bayan.
Ang pananakop sa ating bansa na higit pa sa tatlung daan- at tatlumpu’t tatlong taon ng mga Kastila, sumunod ang Amerikano at ang huli ay mga Hapones ay malupit na kasaysayang hindi na natin papayagang muling gumuhit sa puso at diwa sa bawat mamamayang Pilipino sa kasalukuyang henerasyon. Gamit ang Wikang Filipino,instrumento ito para sa patuloy nating pagtamasa ng bansang malaya at may pamumuhay na mapayapa”. Ang pagbabahagi sa akin ng aking amang makabansa.
“Nandito na pala si Inay, dala ang bago kong damit-Filipiniana! Yehey! Ang ganda! Mas masarap po sa pakiramdam ko ang magsuot ng damit na ito bukas sapagkat batid ko ang kaugnayan nito sa buhay ko bilang isang Malayang Pilipino!” “Maraming salamat po, Nanay!”
“Maraming salamat po, Tatay!” “Mahal ko po kayo!” “Mahal ko rin po ang bansa ko.”
Aral: Ipagmalaki natin ang ating bansa….ipagmalaki natin ang ating wika na syang kalasag sa patuloy nating paglaya!”