ni Ruben E. Taningco
SAN PABLO CITY, Laguna – Sa pakikipanayam kay Revenue District Officer Alver Bryan M. Barcelona ng Revenue District Office No. 55 na ibinigay matapos ang BIR 2025 Tax Campaign Kick-off na ginanap sa San Pablo City Convention Center noong Miyerkoles ng umaga, Pebrero 26, ay kanyang hiniling sa lahat na maging maaga sa paglalahad ng kanilang Income Tax Return para sa Taong 2024, at huwag ng hintayin pa ang Abril 15, 2025 na gaya ng naging ugali na ng marami..
Ang sakop ng pananagutan ng Revenue District Office Number 55 ay ang mga Bayan ng Alaminos, Rizal, Nagcarlan, Liliw, Majayjay, Magdalena, Luisiana, Cavinti, Pagsanjan, Lumban, Paete, Pakil, Pangil, Siniloan, Famy, Santa Maria, at Mabitac, at ang Lunsod ng San Pablo.
Dinaluhan nina Regional Director Dante E. Tan at Assistant Regional Director Narciso T. Laguerta ng Revenue Region 9B, ay kanilang ipinaunawa ang halaga ng tama sa panahong pagbabayad ng buwis sapagkat ito ay nagiging tuwirang pagtulong upang matustusan ang mga lubhang kinakailangang mga paglilingkod na panlipunan, at maipatupad ang mga palatuntunang pangkaunlaran.
Pinahahalagahan nina Director Dante E. Tan na sa pagkapaglunsad ng Tax Campaign ng Revenue District Office No. 55 ay nakuha ang suporta, hindi lamang ng mga pinuno ng mga yunit ng pamahalaang lokal, kundi maging ng San Pablo City Chamber of Commerce and Industry, Inc.; San Pablo City Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc.; Philippine Institute of Certified Public Account (PICPA)-Laguna Chapter, mga service clubs; at maging ng mga local mass mediamen at publisista ng mga pahayagang panglalawigan na ang karamihan ay naka-base rito sa San Pablo City.
Sa pahayag ni RDO Barcelona ay kanyang ipinanawagan na “File and Pay Your 2024 Annual Income Tax on or before April 15, 2025,” at kanyang ipinagunitang ang pagbabayad ng tamang buwis ay marangal na pagmamalasakit at pag-ibig sa sarili, sa pamilya, at sa bansa, at sinariwa sa kaisipan ng mga nagsisipagbayad ng buwis na “Buwis na Tapat, Tagumpay Nating Lahat.”