Ni: Mark Bryan Lito, PIA-4A
Idinaos ng Office of Civil Defense (OCD) IV-A ang Ceremonial Installation of Markers at Groundbreaking Ceremony ng OCD CALABARZON Regional 2 in 1 Facility sa Bagong Cabuyao City Government Center, Brgy. Banay-banay, Cabuyao City, Laguna noong Mayo 3.
Nakatakdang itayo sa lugar ang bagong regional office at command center ng Civil Defense Calabarzon at warehouse na magsisilbing ‘staging point’ ng mga operasyon ng ahensya sa panahon ng kalamidad.
Pinangunahan nina OCD Undersecretary at Civil Defense Administrator Ariel
Nepomuceno at Cabuyao City Mayor Dennis Hain ang programa, na dinaluhan ng iba pang mga ahensyang bahagi ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at ilang kinatawan ng mga lokal na pamahalaan.
Pinasalamatan ni Usec. Nepomuceno ang pamahalaang lungsod ng Cabuyao sa pagdo-donate nito ng lupa sa OCD CALABARZON na nagpapakita aniya ng maayos na ugnayan ng national government at ng lokal na pamahalaan.
Tiniyak din niya na patuloy ang mga ginagawang hakbang ng OCD upang maihanda ang mga komunidad laban sa kalamidad.