ni Kevin Pamatmat
Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ay magdaraos ng 2025 ANILAG Festival mula sa ika-9 hanggang ika-15 ng Marso ng taong kasalukuyan kung saan tinitiyak na ang pagdiriwang ay magiging mas kapana-panabik, mas makulay, mas maingay at mas masaya kaysa dati. Ito ay sa pangunguna pa rin ng ama ng lalawigan na si Gobernador Ramil L. Hernandez.
Tulad ng mga nakaraang taon, bubuksan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang fluvial parade bilang paggalang sa itinuturing na patron ng festival, ang Nuestra Señora Del Dolores De Turumba. Ito ay susundan ng isang Banal na Misa na pangungunahan ng obispo ng Diocese ng Lungsod ng San Pablo.
Sa araw ding yan ay isasagawa ang pagbubukas ng Trade Fair Competition sa pamamagitan ng mga naggagandahang booth na talaga namang pinaghandaan ng mga lokal na pamahalaan ng lalawigan. Sa trade fair na ito ay itatanghal ng iba’t ibang bayan ang mga produkto at mga sariling likha na tunay namang ginawa at dinesenyo ng mga Lagunense.
Kasunod nito ay paparada sa buong bayan ang mga naggagandahang Land Float na sumasagisag sa sining at kultura ng bawat bayan. Susundan pa ito ng mga street dancers ng bawat bayan na inaasahang magdaragdag ng kulay at saya ng festival.
Inaasahan din na ang mga susunod na araw ay mas kapana-panabik sa bawat Lagunense. Mas makulay ang ipinangakong hatid ng mga paligsahang pangkagandahan na ukol sa mga bata na parang mga munting anghel sa ating lalawigan, mga Mr. and Mrs. na ang ipinagmamalaki ay ang walang kupas nilang kariktan at ang mga mala-lakan na katawan ng ating mga kalalakihan, isama pa rito ang ating mga Lolo at Lola na sa kanilang edad ay nananatili ang pagiging bata ng kanilang puso. Kasabay din sa araw na ito ang isang eleganteng Wedding Expo na para naman sa nagbabalak na makipag-isang dibdib.
Isa pa sa mga dapat abangan ay ang pagtitipon at paligsahang inihanda ng sektor ng ikatlong lahi o ang mga LGBT. Bilang isang lipunan na bukas ang pananaw, binigyang pansin rin ng pamahalaang panlalawigan ang ganitong sektor na magpamalas din ng kanilang angking kagalingan.
Hindi rin mawawala ang Landscape Competition dahil ang Laguna ay isa sa itinuturing na nagbibigay ng malaking produksyon sa paghahalaman. Tiyak na dudumugin din ng mga tao ang Cosplay Competition na pina-nanabikan din ng ating mga kababayan.