Ni: Jasmin F. Virtudez, Teacher III
SDO Laguna, Nagcarlan Sub Office
Crisanto Guysayko Memorial Elementary School
Ang pagbabasa at pagsusulat ay dalawang kasanayang nararapat na matutunan ng sinumang nilalang. Bagamat magkaibang kasanayan, ang dalawang nabanggit ay sinasabing magkaugnay. Kapwa sila mainam na paraan upang maipahayag ang kaisipan at damdamin mula sa mga binuo o nakalimbag na mga teksto. Samakatuwid sila ay mahalagang bahagi ng pakikipagtalastasan ng mga tao. Dahil din dito napapagyaman nila ang paggamit ng kritikal na pag-iisip ng isang nilalang.
Sa kabilang dako, ang pagtuturo ng dalawang disiplinang ito ay ginagawa ng magkahiwalay. Unang natutunan ang pagbigkas ng salita kung kaya unang itinuturo sa paaralan ang pagbasa saka pa lamang isinusunod ang pagsulat. Bilang dalawang resiprokal na gawain kapwa malaki ang unayan nila sa isa’t- isa: Ang pagbasa ay itinuturing na kognitibong proseso sa pag-unawa ng nakalimbag at anumang ating binasa ay ating maaring isulat. Gayundin, anuman ang ating naisusulat ay maaring basahin kasabay na ang pag-unawa at pagbibigay pakahulugan ng kaisipan ng awtor sa kanyang mga mambabasa. Bilang karagdagan, sinasabing maituturing lamang na ganap na ang kamalayan sa pagbasa ng isang bata kung natutunan na rin niyang ibanghay o isulat ang mga tekstong kanyang binasa o narinig.
Sa kasalukuyan, malaki ang atensiyong inilalagak ng kagawaran ng edukasyon sa pagpapatuto ng kasanayan sa pagbabasa ng lahat. Iba-ibang programa ang inilulunsad tulang ng 3 B’s , Bawat Bata Bumabasa upang matiyak na madaling mahahasa ang kaalaman ng bata sa pagbasa at maisusunod na nito ang pag susulat ng may kasanayan. Ang mga ponetikang itinituro sa pagbabasa ang siyang magsisilbing gabay nang sa gayon ay sunod na matutunan ng mga bata ang pagsusulat.Pawang ang mga nabanggit na gawain ay nakatuon sa pag-unawa ng teksto.
Lumalabas din sa mga ginawang pananaliksik, ang mga taong nakakasulat diumano ng kanilang binabasang akda ay higit na kinakitaan o malaki ang posibilidad na magkaroon ng mas malawak at mahusay na pagkakaunawa sa kanyang binasa . Dahil dito nagiging ganap ang pagkatuto ng literasiya ng isang mag-aaral, at di maglalaon ay matutunan narin ang iba pang larangan sa pag-aaral. Maliban pa rito, makatitiyak na siya’y magiging matatas sa pagsulat at pagsasalita rin na siyang pangunahing layunin at mithiin ng guro sa kanyang pagtuturo – ang ganap na mapatuto ang mga bata , kapwa sa larangan ng pagbasa at pagsulat upang matiyak ang daliang pagkamit ng wastong pagkatuto at dekalidad na edukasyon.