ni: Dancel M. Sapigao, PhD.
Dalubguro II
Plaridel Integrated National High School
Araw-araw ay nag-eensayo si Gina sa pagsayaw. Kinagigiliwan niya ang pagsasayaw ngunit para sa kanya ay hindi siya magaling sumayaw.
“Oh apo, kasali ka ba sa grupo ng mga kabataang mananayaw sa bayan? Ang sabi ni Kapitan Delfin ay magkakaroon daw ng paligsahan sa pagsayaw.” ani ni Lola Carmen
“Naku hindi po lola, hindi po nila ako tulad na napakahuhusay sumayaw at isa pa po ay wala po akong bagong bestida at sapatos para magamit sa paligsahan.” ani ni Gina
“Apo, pasensiya ka na at wala pa tayong sapat na pera upang makabili ng bagong bestida at sapatos. Hayaan mo at kung sakaling marami tayong mabentang walis tingting ay bibili tayo ng iyong gagamitin.”
Malungkot si Gina sapagkat hindi matupad ang pangarap niyang magkaroon ng bagong bestida at sapatos. Sa isip niya ay kung makapagsusuot siya ng mga ito tulad ng mga kabataang grupo ng mananayaw ay gagaling din siya sa pagsayaw.
Walis po, walis kayo riyan!….ang araw-araw na sigaw ni Gina at Lola Carmen.
“Pabili po ng walis!” ang sigaw ng isang ginang na may dalang kahon na puno ng pinaglumaang gamit ng anak.
Pagkabili niya ng walis ay iniwan ng babae ang kahon sa tambakan ng basura.
“Apo, halika at tingnan natin ang laman ng kahon….” ang hikayat na wika ni Lola Carmen
“Lola, tingnan po ninyo oh, mga damit na pagkagaganda, napakaganda ng bestidang ito at isang pares ng sapatos. Naku lola, ang ganda ng sapatos kaunting linis lamang po ay tiyak na magmumukhang bago ito.”
Pag-uwi sa bahay ay agad na binuksan ni Gina ang kahon. Nagustuhan niya ang isang bestida na may mga palamuting rosas sa laylayan nito. Nilinis ni Gina ang sapatos at isinuot. Kasyang- kasya naman sa kanya ang mga ito. Umikot-ikot siya, itinaas ang kamay at hinawakan ang damit na wari’y isang prinsesa. Humarap siya sa salamin at kitang-kita na napakaganda ng bihis niya. Sa patuloy na pag-ikot niya ay mas lalong gumaganda ang bestida na animoy kumikinang at ang sapatos ay lubhang napakaganda. Nagpatugtog siya at hindi niya mapigilan ang pagsayaw. Wari bang may kapangyarihan ang bestida at sapatos na dinadala siya sa pagsayaw. Napakasaya ng pakiramdam ni Gina.
Sumali siya sa grupo ng kabataang mananayaw. Suot niya ang damit at sapatos na nakuha.
“Napakahusay mo Gina, tiyak na mananalo tayo…lahat ng galaw at indayong ay kayang-kaya mo.” Ang sabi ni Rachel, isa sa miyembro ng grupo.
Sa tuwing nag-eensayo sila ay lagi iyon ang suot ni Gina. Marami ang natutuwa kay Gina dahil sa husay na ipinakikita niya sa pagsayaw.
Isang araw ay hinahanap ni Gina ang bestida na kayang isusuot para sa kanilang pinal na ensayo, ngunit ang bestida ay hindi niya makita. Hinanap niya ito nang hinanap at ang tanging nakita lamang ay ang isang pares ng sapatos.
“Naku, paano na ito? Asan na ba ang bestidang iyon? Mahuhuli na ako sa aming ensayo.” Umalis si Gina at tanging sapatos lamang ang dala nito.
Hindi makasabay si Gina sa mga galaw at indayog. Iniisip niya ang mahiwagang bestida. Hindi niya maramdaman ang galaw na tulad ng dati. Kinakabahan si Gina dahil bukas na ang patimpalak sa pagsayaw.
“Nahuhuli ka Gina, siglahan mo ang iyong pagsayaw!” ang sigaw ng kanyang mga kasama.
“Bukas na ang ating laban, may sakit ka ba Gina?” ang tanong ni Rachel
“Wala naman.” sagot ni Gina
“Kung hindi ka mag-aayos sa iyong pagsasayaw ay tatanggalin ka na namin sa grupo kahit bukas na ang ating laban” ani ng kanilang lider.
Hindi makasabay si Gina. Nag-aalala ang kanyang mga kasama at nagtataka kung bakit ganoon ang kanyang pagsasayaw. Napahiya si Gina sa kanyang mga kasama at tumatakbong umiiyak pauwi sa bahay.
“Oh, apo bakit ka umiiyak?” tanong ni Lola Carmen
‘Lola, nakita po ba ninyo ang aking bestidang pansayaw?
“Oo, nilabhan ko dahil alam ko na isusuot mo iyon bukas. Dinala ko na sa iyong silid.”
Dali-daling pumasok si Gina sa kanyang silid upang isuot ang mahiwagang damit. Nagpatugtog siya. Wala siyang maramdaman na waring dinadala siya ng bestidang iyon. Umikot-ikot siya ngunit hindi pa rin maayos ang kanyang pagsayaw. Umiyak siya ng umiyak. Matagal na niyang pangarap na makasama sa grupo ng mga kabataang mananayaw. Naisip niya na nawala ang kapangyarihan ng bestida dahil nilabhan ito. Nagpatuloy siya sa pag-iyak hanggang sa nakatulog.
Sa panaginip ni Gina ay lumabas ang isang diwata na suot ang tulad ng bestida niya.
“Gina, wala sa iyong bestida at sapatos ang tunay na galing mo sa pagsayaw. Ito ay nasa iyong isip at puso. Damhin mo ang tugtog at igalaw ng malaya ang iyong katawan. Ang iyong talento sa pagsayaw ay hanapin mo sa iyong katauhan. Nasa puso mo ang iyong galing. Isipin mo na kaya mo ito dahil ito ay ang iyong kinahihiligan. Hanapin mo ang iyong sariling galing at magtiwala sa iyong sarili.” ani ng diwatang mananayaw.
Nagising si Gina na ramdam pa rin ang lungkot sapagkat hindi na siya makapagsasayaw pa tulad ng galing na ipinamalas niya noon. Nag-isip si Gina kung pupunta pa rin ba siya sa bayan upang lumahok sa pagsayaw. Ngunit naalala niya ang sinabi ng diwatang mananayaw. Nagbihis siya at naghanda. Kinakabahan siya, iniisip niya na baka hindi siya makasabay sa galaw ng kanyang grupo.
“Ating tunghayan ang grupo ng kababataang mananayaw kalahok bilang tatlo!”
Nanalangin si Gina. Pumikit siya at dinama ang ritmo ng tugtog kasabay ng galaw ng kanyang katawan.Ipinamalas ni Gina ang talento at kahusayan sa pagsayaw. Iniisip niya ang sinabi sa kanya ng diwatang mananayaw.
Malakas na dagundong ng tugtog at umaalingawngaw ang sigawan ng mga manonood.Isinisigaw ang pangalan ni Gina. Kitang-kita ang kahusayan niya sa pagsayaw.
“ At ang nanalo ay ang kalahok bilang tatlo!”
Malakas na sigawan pa rin ang maririnig.
“Napakahusay ng iyong ipinakitang pagsayaw Gina, napakalakas ng sigawan at binabanggit ang iyong pangalan” sabi ni Rachel
Masayang-masaya si Gina.