ni Ruben E. Taningco
ALAMINOS, Laguna – Ayon sa isang dating konsehal ng bayang ito na sa nakalipas na mahigit na apat na dekada, ang pangasiwaan ng Alaminos (Laguna) Water District (ALWD) ay kinikilalang “modelo o huwaran” para sa ibang distrito. Maipagtatanong umano sa mga nakatatandang mamamayan sa bayang ito na walang usap-usapang kumalat sa mga lipunan dito na may naganap na anomalya o dayaan kaugnay ng mga transaksyong pinapasukan nito bilang isang negosyo.
Ang namayapang Alkalde Eladio M. Magampon nang magbigay ng mensahe ng ipagdiwang ng Distrito ang kanilang Ika-34 Anibersaryo ng Pagkakatatag ay nagsabing, “Ang Alaminos (Laguna) Water District ay tapat na naglilingkod sa publiko, na ang malinis na tubig, ay inihahatid bilang serbisyo at hindi isang negosyo.”
Ang kasalukuyang bumubuo ng Board of Directors ng Alaminos (Laguna) Water District ay sina Director Gil P. Fandiño, Chairman; Director Candelaria S. Macasaet, Board Secretary; Dr. Victoria Josefa F. Fule, Gng. Luz M. De Villa, at G. Emerson C. Maligalig, mga director. Si Engr. Emiliano D. Castillo ang general manager.
Bahagi rin ng kasaysayan ng ALWD, na payak na ginunita ang kanilang Ika-44 Anibersaryo ng Pagkakatatag noong nakaraang araw ng Huwebes, Hulyo 18, 2024, na ang mga natatalagang bumuo ng board of directors nito ay pawang nagiging katanggaptanggap sa mga mamamayan. Sa ibang mga bayan, may mga direktor ng distrito na nagiging paksa ng mga negatibong pamamahayag hindi lamang ng mga konsisyonaryo, kundi maging ng mga pinuno at kawani ng distritong kanilang kinatatalagahan bilang tagabalangkas ng mga palatuntunan. Ito ang mga katangiang naging batayan sa pagsasabing “Maipagmamalaki nating walang korapsyon sa Alaminos (Laguna) Water District.”