ni Ruben E. Taningco
SAN PABLO CITY, Laguna – Nagpapaalaala si City Health Officer James T. Lee Ho sa lahat na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng pangangalaga sa kalinisan ng kapaligiran na naaayon sa Palatuntunang Alas-Kwatro Kontra Mosquito na inilunsad noong nakaraang Buwan ng Pebrero ng Department of Health upang mailayo ang mga magkakasambahay na mahawa ng dengue fever at ng iba pang mga sakit na hatid ng lamok.
Ayon kay Dr. Lee Ho, ito ay dahil sa kasalukuyang kalalagayan ng panahon na katag-arawan man ay umuulan, ang ating kapaligiran ay nagiging kaayaayang palahian ng lamok, kaya ang mga potensyal na maging pangitlugan ng lamok, o ano mang bagay na kumakandong kahit kaunting tubig ay dapat maalis sa kapaligiran ng ating mga tahanan, o dako ng ating mga gawain.