CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Itinaas na sa red alert ang paghahanda ng Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) dahil sa banta ng Bagyong Nando ngayong Sabado, Setyembre 20.
Ayon kay Office of Civil Defense Calabarzon Regional Director at RDRRMC Chairperson Carlos Eduardo Alvarez III, ito ay upang masiguro ang maagap na pagtugon at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na panahalaan sa posibleng epekto ng bagyo.
Kabilang dito ang pagbaha, pagguho ng lupa, at paglikas ng mga residente sa mga maaapektuhang lugar.
Bagama’t hindi direktang tatama sa Calabarzon, inaasahang palalakasin ng bagyo ang Habagat na magdadala ng malalakas na hangin at pag-ulan sa rehiyon simula Setyembre 21 hanggang 22.
Kaugnay nito, binuksan din ng RDRRMC Calabarzon ang Virtual RDRRMC Emergency Operations Center nito para sa pag-monitor at mabilis na koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno at local DRRMCs.
Nauna nang nagpalabas ng direktiba ang RDRRMC Calabarzon sa mga probinsya, lungsod, at bayan na maghanda ng mga evacuation center, mag-preposition ng relief goods, at tiyakin ang kaligtasan ng mga residenteng nasa high-risk areas.
Patuloy namang nananawagan ang RDRRMC sa lahat ng lokal na pamahalaan at mamamayan na manatiling alerto, sumunod sa mga abiso ng awtoridad, at maging handa para sa agarang paglikas kung kinakailangan.