SAN PABLO CITY, Laguna – Ipinahayag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue Region 9B-LaQueMar Regional Director Atty. Michael Remir Macatangay ang mga programa, proyekto at inisyatibo ng BIR sa ginanap na Kapihan sa PIA Calabarzon: Ugnayan at Talakayan sa Laguna sa SM City San Pablo noong Agosto 27.
May temang “Buwis na Tapat, Tagumpay Nating Lahat!”, kabilang sa mga tinalakay sa Kapihan ang matagumpay na koleksyon ng BIR sa buong bansa sa target nito ngayong 1st quarter ng 2025, na nagpapatunay ng patuloy na pagsisikap ng ahensya upang mapalakas ang revenue generation ng pamahalaan.
Aniya, patuloy ang ginagawa nilang modernisasyon sa sistema ng pagbubuwis at pagpapatupad ng mga reporma tungo sa mas malinaw at makabagong serbisyo para sa bawat Pilipino.
Pinag-usapan din ang mga naging programa ng BIR sa pagdiriwang nito ng ika-121 anibersaryo ng pagkakatatag kung saan binigyang rekognisyon ang mga natatanging kawani ng ahensya.
Binigyang-diin ng BIR ang kahalagahan ng ISO Certification Milestone ng ahensya kung saan mas pinadali, pinagaan para sa mga taxpayers, ang ease of doing business and taxes, enforcement activities ng ahensya kabilang na ang Oplan Kandado kung saan ngayong taon naka-kolekta na ng Php26.849 million na ang ahensya sa rehiyon at Run After Tax Evaders (RATE) na mayroong 36 rate cases filed simula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.
Para sa BIR, mahalaga ang aktibong pakikiisa ng publiko sa pagbabayad ng buwis dahil ito ang nagiging susi sa pagkakaroon ng sapat na pondo para sa mga proyektong panlipunan, imprastruktura, at iba pang serbisyong direktang nakikinabang ang mga mamamayan.
Ang Kapihan sa PIA: Ugnayan at Talakayan sa Laguna ay isinagawa katuwang ang SM Supermalls.