Ulat ni Vlad Asprec
SAN PABLO CITY, Laguna – Puno ng mahahalagang reporma, konsultasyon, panukala at balaking proyekto ang ikalawang linggo ng panunungkulan ni Mayor Najie Gapangada.
Iniharap niya sa Sangguniang Panglungsod ang isa sa pinakatanyag na arkitekto sa bansa na si Architect Jun Palafox kasama ang kanyang mga kilalang proyekto sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Naka-sentro ang usapin sa urban development plan ng San Pablo na dinaluhan ng mga department heads, miyembro ng United Architects of the Philippines (UAP), at mga konsehal ng lungsod kabilang na sina John Adajar, Francis Calatraba, Carmela Acebedo, Ding Villanueva, Barbie Diaz, Gel Adriano, Cesarito Ticzon, at Lou Vincent Amante.
Ang mga planong inilahad ng Palafox Group ay inaasahang magdudulot ng malalaking oportunidad at makabuluhang pag-unlad para sa mga mamamayan at sa buong lungsod ng San Pablo.
Samantala, binigyang-diin ni Mayor Najie na ang City Hall ay magiging “kotong-free” at mahigpit na ipagbawal ang mga nakasimangot na empleyado ng lokal na pamahalaan.
Inilunsad din nya ang pagdiriwang ng Nutrition Month at Disaster Prevention Month. Dito ay nagpakain ng almusal ang San Miguel Purefoods bilang regalo Kay Mayor Najie at mga empleyado. Ito ay tinumbasan ni Konsehal Cesarito Ticzon ng libreng lugaw.
Martes ay isinagawa ang unang Meet the Press na inorganisa ni City Information Office Rolly Inciong kasama sina City Health Officer Dr. Rene Bagamasbad at City General Hospital Director Dr. Tagie Felismino.
Dito ay inilahad ni Mayor Najie ang mga major flagship projects na binansagan niyang T.E.K. o Trabaho, Edukasyon at Kalusugan.
Ipagpapatuloy rin ang pagsusuri sa mga kawani upang maalis ang mga ghost employees kung saan napansin umano ni Mayor Najie na may mga empleyadong hindi nagpapakita sa kanilang mga opisina gayundin ang sobrang bilang ng mga kawani sa ilang tanggapan na walang konkretong ginagawa.
Ipagpatuloy din niya ang pag-aaral ng mga makabagong sistema upang mas mapabilis ang serbisyo sa mamamayan.
Patuloy na pag-aaralan ang mga gastusin na maaaring makatipid kung mas maayos ang paghawak ng pondo ng bayan gayundin ang pagpapatuloy ng pagsasaayos ng trapiko at palengke, at paglilinis ng kapaligiran.
“We will make San Pablo City great again,” pagbibigay-diin ni Mayor Gapangada.